Mariing kinondena ng mga progresibong grupo ng mga migranteng Pilipino sa Japan ang 4-day state visit ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. Lumapag ang pangulo sa Tokyo nitong Martes, Mayo 26, para sa kanyang state visit sa imbitasyon ni Japan PM Sanae Takaichi. Layunin ng pagbisita nito ang pagpapatibay ng relasyong Pilipinas-Japan.


“Ang pagbisita ni Presidenteng Bongbong Marcos Jr. dito sa Japan ay walang ibang layunin kundi ang makipagkasundo sa PM ng Japan na si Sanae Takaichi para sa pagbili ng armas at malaong pagbuyangyang sa ating bayan sa mga dayuhang militar sang-ayon sa Indo-Pacific Strategy ng kasapakat nitong si Trump,” pahayag ng Migrante Japan.
Naglunsad ng demonstrasyon ang mga grupo sa tapat ng Imperial Hotel, Tokyo bilang pagsalubong sa “meet-and-greet” ni Pangulong Marcos Jr. sa mga kababayan sa Japan.
“Ipinakikita lamang ng pangulo ng ating bansa ang natatangi niyang interes at ‘yon ay ang magpaka-alipin sa mga imperyalistang bansa. Akalain mo ‘yon? Mas importante pa pala sa kanya ang mga armas pandigma kaysa sa kalagayan at kabutihan nating mga OFW,” ani Brix Mendoza, tagapagsalita ng Migrante Tokyo,
Si Mendoza ay isang OFW na nasa ilalim ng kontrobersyal na Technical Intern Trainee Program ng Japan. Dagdag niya, nakararanas siya rito ng iba’t ibang workplace violations.
Ayon pa sa mga grupo, pawang mga salita lamang na walang laman at pambobola ang mga pahayag ni Marcos Jr. ukol sa kapakanan at karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa Japan. “Sa gitna ng pag-aray ng napakaraming OFW sa papatindi at papahigpit na patakaran sa imigrasyon ng Japan, walang tinuran si Marcos Jr. maski isang salita tungkol dito,” pahayag ng Migrante Saitama.
Binatikos din ng Migrante Saitama ang tinatawag nitong kahiya-hiyang pangangaral ni Marcos Jr. tungkol sa “integration” sa lipunang Hapon sa mga migranteng Pilipino.
“Ang payo [ni Pangulong Marcos sa meet-and-greet] ay huwag abandonahin ang ating ugat, kung sino tayo bilang mga Pilipino. Samantalang ang pabaya at pahirap na gobyerno mismo ang nagtutulak sa atin lumabas ng bansa dahil sa kawalan ng trabaho. Pinatindi niya lang ang Labor Export Policy tapos siya pa itong may ganang mangaral sa atin,” ayon kay Joey (hindi tunay na pangalan) ng Migrante Saitama.
Sa huli, inirehistro ng mga migrante ang kanilang pagkadismaya sa mga polisiya ng kasalukuyang administrasyon. Kabilang dito ang pag-asam na makaupo bilang miyembro ng UN Security Council habang hindi nito tinitiyak at isinusulong ang mga batayang proteksyon at seguridad ng mga OFW sa ibayong dagat at pangkaraniwang mamamayan.
Nakatakdang magkasa ng isang linggong kampanyang protesta ang BAYAN Japan, Japan Campaign for Human Rights in the Philippines (JCHRP), Asia Wide Campaign-Japan (AWC-Japan), Network Against Japan Arms Trade (NAJAT), Kalipunan ng mga Bagong Bayani (KABAYAN), at iba pang mga organisasyon sa Japan sa apat na araw na state visit ni Pangulong Marcos Jr.
Sa Huwebes, Mayo 28, maglulunsad ng protesta ang mga grupo sa tapat ng House of Councillors sa Tokyo. Susundan naman ito ng isa pang protesta sa Mayo 29 sa tapat ng National Diet ng Japan.






























