Noong Mayo 20, naglunsad ng isang webinar ang Kilusang Bayanihan, kalipunan ng mga organisasyon, institusyon at mga indibidwal na nagsasagawa ng mga relief operation sa buong bansa at ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Metro Manila tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng lockdown at kinakaharap na krisis pangkalusugan na pandemyang COVID-19.

Inilahad ng Kilusang Mayo Uno (KMU) Metro Manila at Defend Jobs Philippines ang kalagayan ng sektor na manggagawa na isa sa pinakanaapektuhan sa panahon ng community quarantine.

Ayon kay Ed Cubelo, tagapangulo ng KMU Metro Manila, naniningil ang mga manggagawa sa rehimeng Duterte sa kapabayaan, kawalang malasakit at kawalan ng konkretong plano kung pano tutugunan ang mga pangangailangan ng kaniyang mamamayan.

Sa tala ng grupo, mula sa 42 milyong nakaempleyong manggagawa sa buong bansa ay 18 milyon ang apektado sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) na nabawasan ang araw ng pasok sa trabaho, naging biktima ng ‘no work no pay’ at flexible working scheme at mga tuluyang natanggal.

Dahil sa pagkakatanggal sa kani-kanilang trabaho, ang tanging inasahan lamang nila ay ang ayuda sanang naipangako ng administrasyon ngunit sa kasalukuyan, sa 18 milyong manggagawang apektado ay 7 milyon pa ang hindi nabibigyan ng ayuda ng gobyerno.

Matapos naman ang pagpapasailalim ng Metro Manila at iba pang piling lugar sa modified ECQ (MECQ) at kalakhan ng probinsya sa General Community Quarantine (GCQ) ay nagbukas ang ilang mga kompanya at establisyamento ngunit pahirapan pa rin ang transportasyon sa mga lugar sa ilalim ng MECQ.

“‘Yung sumalubong sa mga manggagawa matapos ang ECQ ay ang malawakang tanggalan at ang pagbabalik nila sa kanilang mga trabaho ay tila ‘death march’ dahil sa walang masakyan papunta at wala pang kasiguraduhan pagdating sa kanilang kalusugan dahil sa kawalan ng program ng gobyerno sa mass testing sa mga babalik na mga manggagawa,” giit ni Cubelo.

Noong Mayo 16 din ay inisyu ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor Advisory 17 na agad tinutulan ng mga organisasyon ng mga manggagawa lalo na ang Seksyon 5 nito.

“Hindi pa nga lahat nabibigyan ng ayuda ang lahat eh meron namang ganito kaya dapat tutulan at labanan ang DOLE Advisory 17 partikular na ang pagpapabasura sa Seksyon 5 nito na magbibigay permiso sa wage cut sa mga manggagawa,” ani Thadeus Ifurung, tagapagsalita ng Defend Job Philippines.

Tinalakay naman ni Malou Turalde, dating Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kinakaharap ng pamilyang Pilipino tungkol sa pamamahagi ng emergency subsidy sa Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD.

Ayon sa kanya, isa sa pinakatampok na isyu sa pamamahagi ng SAP na kanilang nakolekta sa komunidad ay ang kakulangan ng mga forms na galing sa DSWD na natatanggap ng mga lokal na gobyerno dahil sa quota na ipinatupad ng ahensya. Bukod pa sa napakatagal nilang natanggap ang unang tranche ng nasabing cash assistance.

“Ayon sa mga DSWD frontliners, ang listahang ginamit ay taong 2015 pa kung kaya’t mahirap ang name matching at data cleansing bukod pa sa kakulangan talaga sa kahandaan at tao sa logistics at info dissemination,” saad ni Turalde.

Ang lokal na gobyerno ng Maynila naman ay nagpatupad ng mga hard lockdown sa mga distrito na tumataas ang kaso nf COVID-19 at para magsagawa sana ng mass testing, ngunit nagdulot ng malawakang pag-aresto sa mga residente rito na tinuring na lumabag sa lockdown.

“Idinedetine ang mga nahuli, sa isang court patutulugin, torture ito sa mga inaresto,” ani Doy Mariazeta ng BAYAN Manila.

Ayon kay Mariazeta, sa distrito ng Sampaloc ay 157 ang inaresto, samantalang 68 lamang ang na swab test at 832 rapid test sa mahigit 300,000 populasyon nito. Sa Tondo naman ay may 256 naaresto at walang inilabas na bilang ng natest.

Ani Shamina Astudillo, tagapagsalita ng Kilusang Bayanihan, dapat all ang ayuda na ibigay ng pamahalaan, pero naging sana all lang ito.

“Dapat noong una pa lang ay binigyan na lahat ng mga pamilya para hindi na dumoble pa ang kanilang pag-aalala at kagutuman,” aniya sa idadagdag na 5 milyong pamilya sa SAP para sa second tranche.

Umaabot pa lang sa 97% ang pamimigay ng SAP ng gobyerno matapos ang dalawang buwang lockdown. Unang tinarget ng gobyerno kumpletong maipamahagi ang SAP bago matapos ang unang buwang lockdown noong Abril 13.

Iginiit naman ni Mark Fernando, tagapangulo ng Anakbayan Metro Manila, na walang signipikanteng nagawa sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19 sa loob ng dalawang buwan lockdown at ginamit lang ito para sa maramihang dayuhang pangungutang at pang-aabuso ng mga militar at pulis na napahintulutan ng lockdown sa ngalan ng paglulutas diumano sa COVID-19.

Mula nang nagbadya ang pagpataw ng gobyerno ng lockdown, ipinanawagan ng grupo sa kinakaharap na pandemya ng bansa ang #MassTestingNow at #SolusyongMedikalHindiMilitar.  

“Habang nalalantad ang administrasyong Duterte sa kaniyang kapabayaan at kakulangan, patuloy tayong mag-organisa at manawagan sa kaginhawaan sa mga mamamayan.”

Narito naman ang tatlong panawagan ng Kilusang Bayanihan:

  1. Magbigay ng 10,000 pesos financial assistance para sa lahat ng pamilyang apektado ng pandemya. Bukod pa ito sa naunang mga ayuda ng pamahalaan na dapat ay matagal nang naipamigay sa taumbayan.
  2. Karguhin ng pamahalaan ang upa sa bahay, bayad sa bill ng kuryente at tubig upang makaalalay sa mga pamilyang Pilipino. Kausapin ng gobyerno ang mga korporasyon sa kuryente at tubig na ideklarang bayad na ang mga bill ng mga pamilya bunga ng lockdown.
  3. Pabilisin ang pagbibigay ng mga ayudang nauna nang ipinamamahagi ng pamahalaan. Bawasan ang mga rekisitos para makapag-apply at ma-release nang mabilis ang mga ayuda sa mga pamilya, manggagawa, informal workers at iba pa.

 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here