Isang taon na ang lumipas mula nang matupok sa apoy ang pabrika ng Kentex sa lungsod ng Valenzuela. Isang taon na, pero ngayon pa lamang umuusad ang kasong isinampa ng mga nakaligtas na kawani at pamilya ng mahigit 72 manggagawang nasawi sa trahedya.
Sa kasaysayan ng paggawa sa Pilipinas, ito ang pinakamalubhang sunog sa paggawaan.
Usad pagong na kaso
“Dito po sa Pilipinas ay huwag na tayo magtaka, napakabagal ng hustisya,” wika ni Ammied Rada, tagapagsalita, Justice for Kentex Workers’ Alliance (JKWA).
Nitong ika-22 ng Pebrero lamang sinimulang dinggin ang kasong “reckless imprudence resulting in homicide” at palsipikasyon ng dokumento laban kina Beato Ang at Ong King Guan, mga may-ari ng Kentex, na isinampa noong ika-17 ng Hunyo 2015 sa lokal na korte ng Valenzuela.
Naantala ang pagdinig sa kaso dahil hindi umano nakatanggap ng anumang abiso ang Justice for Kentex Workers’ Alliance (JKWA) na inilipat na ang kaso sa Deparment of Justice (DOJ) kung kaya’t naantala ang pagdinig nito. Pinagsama-sama ng korte ang mahigit 80 kasong nakabinbin laban sa Kentex, subalit nagdulot lamang ito ng aberya sa naging unang pagdinig nang hindi umano nabanggit ang lahat ng pangalan ng mga nagsampa ng kaso. Hindi natukoy ang pangalan nina Richard Mercado at Ria Pobocan, parehong nakaligtas sa sunog, at si Ammied Rada na namatayan ng dalawang kapatid sa insidente. Inipit at hindi inilabas ang mga pangalan ng nagsampa ng kaso at pinagpasa-pasahan ang mga ito, ani Myrna Pisaw, isa sa mga nakaligtas sa pagkasunog ng Kentex at coordinator ng JKWA.
Sa ikalawang paglilitis noong ika-7 ng Marso, nakumpleto ang pangalan ng mga nagsasakdal, matapos muling kunin ni Atty. Remigio Saladero, abogado ng JKWA, ang pangalan ng lahat ng nagsampa ng indibidwal na kaso.
Ayon sa JKWA, magbibigay pa lamang ng counter affidavit ang mga may-ari ng pabrika na sina Beato Ang at Ong King Guan.


Hindi pa rin umuusad ang kaso laban kina Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Rosalinda Baldoz at dating Department of Interior and Local Govenment (DILG) Secretary Mar Roxas, tinutukoy na pangunahing responsable sa iligal at hindi makataong operasyon ng Kentex.
Nagsisimula pa lamang umusad ang kaso ng mga mangagawang namatay kaya’t lalong hindi pa rin maiwawaksi ang mga mapait na ala-alang kakabit ng gusali ng Kentex.
Pag-alala sa mga nawala
Nangyari noong Mayo 13 ang isang taong komemorasyon, para sa mga naging biktima ng trahedya. Sariwang-sariwa sa mga nakaligtas at mababakas mo sa mga naulila ang labis na kalungkutan.
Nagdaos ng protesta at misa ang mga tagasuporta, pamilya, at kaibigan ng mga namatay sa sunog. Isinusumamo nila ang mabagal na proseso at sistema ng katarungan sa ating bansa.


Giit din ng mga nagprotesta ang pagtigil ng kontraktuwalisasyon at maayos na pangangalaga at benepisyo sa mga manggagawa. Hindi lamang sa mga naging biktima ng Kentex kundi sa lahat ng uri ng establesyimento sa bansa.
“Ito ay malaking kapabayaan ng ating gobyerno ni Aquino. Sa pangulo ngayon [bagong halal Rodrigo Duterte], kaya nga hamon ko sa’yo… Bigyan ng pansin ito na mabuksan [matugunan at maresolba] ang kaso ng mga mangggawa sa loob ng Kentex, dahil hindi po biro ang dinanas naming,” panawagan ni Ammied Rada.
Matatandaang nagbitiw si Duterte ng salita sa ikatlo at huling Presidential Debate bago ang halalan na tatapusin niya ang kontraktuwalisasyon kapag naupo siya sa puwesto.




























