Sa unang pitong araw ng dalawang linggong lockdown sa Navotas ay nakapagtala ang syudad ng dagdag na 237 kumpirmadong kaso ng COVID-19, 238 na nakarekober at 12 ang nasawi.

Samantala, sa ulat ng Navotas City Police, umabot na sa 3,896 na ang mga nahuli dahil sa paglabag ng mga patakaran sa lockdown.

 

Geplaatst door Toby Tiangco op Donderdag 23 juli 2020

 

Noong Hulyo 16, umabot na sa 1,119 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa syudad kung saan 661 ang aktibong kaso, 386 na nakarekober at 72 na pumanaw.

Pagsapit ng Hulyo 23, mayroon nang 1,366 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa syudad, kung saan 658 ang aktibong kaso, 624 ang nakarekober at 84 ang pumanaw.

Pinakamaraming aktibong kaso sa Barangay San Jose (81), Tanza 1 (63), Sipac Almacen (56) at Tangos South (56).

Isinasagawa rin sa syudad ang libreng community testing para sa COVID-19 mula Hulyo 22 hanggang 31, kung saaan 1,000 araw-araw ang target na ma-test. Dadalhin sila sa Palacio de Maynila sa Malate para sa swab test.

Isinasagawa naman ang “lockdown testing” mula Hulyo 23-25 sa mismong barangay, kung saan prayoridad ang mga senior citizen, buntis, menor de edad, at mga persons with disabilities. Isinagawa ito sa unang araw sa San Roque Elementary School, ngunit naantala sapaagkat may mga myembro mula sa 12 magsasagawa ng swab test ang nagpositibo sa COVID-19 kung kaya’t bumaba sa siyam ang 22 na dapat magsasagawa ng swab test. Kasabay nito, itinuloy naman ang testing sa Kapitbahayan Elementary School hanggang Hulyo 25.

Hindi naman naabot ang 1,000 test kada araw sa “lockdown testing” kung kaya’t binukas na ito ng lokal na pamahalaan sa mga manggagawa ng kumpanya sa syudad, residente man ng Navotas o hindi.

“577 kahapon at 601 ngayon ang lumahok sa ating lockdown testing. Halos kalahati lang po ito sa ating target na 1,000 bawat araw. 

Dati, nananawagan po kayo ng mass testing. Ngayon naman na may libre tayong swab test, ayaw n’yo namang magpatest. Sayang po ang libreng test kits na karaniwang nagkakahalaga ng P8,000 na inilaan sa atin ng pamahalaang nasyonal,” ani Navotas Mayor Toby Tiangco.

Aabot sa 10,000 ang maaaring ma-test ng syudad sa community testing at 3,000 sa lockdown testing kung maabot nito ang arawang target.

Ang 14 araw na lockdown sa Navotas ay nagsimula noong July 16, 5AM, hanggang July 29, 11:59PM, ayon sa utos ng lokal na pamahalaan ng Navotas.

Binigyan ng tig-tatlong araw ang kada barangay na iskedyul na paglabas ang isang kinatawan ng kada bahay na may quarantine pass para mamalengke at mamili ng pagkain.

  • Lunes, Miyerkules, Biyernes: San Rafael Village, NBBS Kaunlaran, Bangkulasi, BBS, Navotas East, Sipac-Almacen, Daanghari, Tangos North, at Tanza 1
  • Martes, Huwebes, Sabado: NBBS Proper, NBBS Dagat-Dagatan, NBBN, BBN, Navotas West, San Jose, San Roque, Tangos South, at Tanza 2

Wala namang maaaring lumabas kapag Linggo dahil ito ang araw na nakatalaga para sa paglilinis at disinfection.

 

‘Localized militarization’

Kinuwestyon ng grupong PAMALAKAYA ang mabigat na presenya ng pulis sa dalawang linggong lockdown sa lungsod.

“Anong kinalaman ng mga pwersa ng police na nakasuot ng full battle gear sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Navotas? Ang kailangan ng high-risk areas ay makakita ng mga health worker at medical team, hindi nagkalat na armadong pulis sa armored personnel carriers,” anang tagapangulo ng grupo na si Fernando Hicap.

Aniya, dapat hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda sa lockdown.

“Dapat hindi kasama sa lockdown ang pangingisda at pagbabagsak ng mga huling isda sa fish port para sa tuluy-tuloy na hanapbuhay at supply ng pagkain,” ani Hicap.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here