Itanong mo sa mga bata, ano ang kanilang nakikita sa buhay na hawak nila? – Asin

Malamang ay bata. Iisipin nating wala silang pakialam sa kapaligirang ginagalawan nila. Na ang tanging ginagawa nila sa maghapon ay maglaro sa malawak na lupain sa kanilang Sitio, o kaya nama’y pumilas ng dahon sa mga puno, o ang magtampisaw sa ilog.

Malamang ay bata. Musmos at walang kamuwang-muwang silang nabubuhay sa mundo. Ngunit kung tutuusin, isa sila sa dapat tinatanaw para sa isang kinabukasan. 

Sumama ako sa grupo ng mga kabataan para makipamuhay sa isang sitio sa probinsya ng Tarlac. Mahabang oras ang ginugol namin sa byahe bago namin marating ang lugar  nang tanghaling tapat.

Maalikabok.

Tirik ang araw.

Mainit na hangin. 

Ito ang sumalubong sa amin sa Sitio Binyayan, Brgy. O’Donnell sa Capas. 

Ang Sitio Binyayan ay nakapaloob sa 9, 450 hectares na lupain sa dating Green CIty na kalauna’y tinawag na New Clark City. Bahagi rin ito ng 1, 600 hectares sa ambisyosong proyektong Pax Silica Hub sa Capas, Tarlac. 

Dalawang araw lamang ang aming pananatili sa lugar kung kaya’t kailangan imaksimisa ang paggamit ng oras at panahon para sa mabungang pananaliksik at integrasyon sa mga naninirahan sa Sitio Binyayan.. 

Sa hapon ay nag-ikot kami sa ilang kabahayan, bago sa gabi naman ay naglaan ng oras para sa kultural na mga aktibidad.

Bahagi sa mga isinagawang aktibidad ang coloring activity na dinaluhan ng iba’t ibang mga kabataan. Isa ako sa naatasang manguna para dito. Marahil gawa rin ng kasanayan ko sa paglikha ng mga dibuho at sining biswal ay malugod kong ginampanan ang tungkulin.

Sa pagsusuyod namin sa komunidad para maghanap ng mga kalahok sa naturang aktibidad, unang lumapit sa akin si Raychelle. Nag-aya pa siya ng ibang mga kabataan, hanggang sa dumami na sila. Mabilis lamang silang yayain– gawa na rin siguro ng wala gaanong akses sa mga aktibidad tungkol sa sining ang lugar. 

Makukulit. Maiingay. Hindi maiiwasan at natural sa katangian bilang bata. Ngunit kahit papaano, marunong silang makinig: kung kailan tatahimik, kung kailan sasagot. 

Sa simula ay nagpakilala muna kami at dahilan ng aming pananatili sa kanilang komunidad. Mabilis naman nilang naunawaan ang kalagayan. 

Wala pa kaming binabanggit ukol sa Pax Silica– pero isang bata agad ang nakasambit ng salitang ito. Nang marinig ko ang sinabi niya, namangha ako. Hindi pala lingid sa kaalaman ng mga bata ang usapin ng Pax Silica. 

Kaya mas lumawak ang usapan. 

Ano ang epekto ng Pax Silica?

Mawawalan ng tubig. 

Mawawalan ng lupa. 

Mawawalan ng kuryente. 

Masisira ang kalikasan. 

Mamamatay.

Kanya-kanya nilang mga sagot. Iba’t iba at alam nila mismo ang epekto sa kanila ng itatayong proyektong malapit sa komunidad nila. 

Binigyan namin sila ng paksa para mapakita nila ang kanilang paglalarawan at pag-intindi sa kung paano pangalagaan ang kalikasan. 

Lumikha sila ng dibuho. Dibuhong puno ng berde at asul. 

(Mga Larawan mula kay Nix Vergara, Arvie Lawas)

Nakita ko ang repleksyon ng paligid namin. Ang malawak na sakahan at bundok na pinapaligiran ang Sitio Binyayan. Ang asul na kalangitan at araw na bumubuhay sa mga pananim. Ang ilog kung saan kumukuha ng patubig para sa irigasyon ang mga magsasaka. 

Dito ay mas naunawaan ko ang mga bata. 

Kilala nila ang kanilang sitio bilang isang masaganang lupain. Payak man ang buhay ay nagagawa pa rin nilang ngumiti. Subalit sa likod ng mga ngiting ito ay ang pangangamba sa kanilang katiyakan sa kinalakihang komunidad. 

Sa aming pagbisita, tumambad sa amin ang ilang bahagi ng dating sakahan na sinimulan nang sementuhin ng BCDA para sa itinatayong kalsada na bahagi ng New Clark City. Maging ang mga itinuturing na sagradong burial grounds ng mga katutubo ay pinatag na para sa naturang daan. Sa tagong lugar rin sa Sitio Binyayan ay may itinatayong pumping station para sa Pax Silica Hub na nakakaapekto sa kanilang pinagkukunan ng tubig sa mga poso.

Kalsada na ang dating mga sakahan

Burial grounds na ginagawang kalsada

Pumping Station ng BCDA

Masdan mo ang mga bata, ang aral sa kanila makukuha – Asin

Bagama’t musmos at tila walang kamuwang-muwang sa mundo ay nagagawa nang makisangkot ng mga kabataan. Ang kanilang mga ibinahaging mga sagot ay ang nakikita nilang magiging buhay na hawak nila sa takdang panahon. 

Wala sa edad ang pag-unawa sa isyung kinakaharap ng lipunan. Ang kanilang kaalaman, sa kabila ng kamusmusan, kaugnay sa proyektong itatayo sa kanilang komunidad ay isang patunay na hindi sila hiwalay sa laban. 

Dahil para sa kanila ang lupa, ang katubigan, ang kalangitan, ang nayon at kapatagan, at maging ang laban para sa isang kinabukasang malaya. 

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here