“Itigil ang gyerang agresyon ng US sa buong daigdig”

Iyan ang panghuli sa anim na hiling ng mga tsuper mula sa ikinasang dalawang araw na transport strike sa bansa noong Setyembre 29-30.

Sa patuloy na pag-atake ng US-Israel sa Kanlurang Asya, apektado ang pangunahing industriya ng langis na nagpaparalisa sa pag-aangkat ng suplay sa iba’t ibang bansa. Ngunit sa Pilipinas, paano nga ba ito nakakaapekto sa karaniwang mamamayan?

Pitong buwang pasakit

Nang sumiklab ang giyerang agresyon ng US-Israel laban sa Iran noong Pebrero 2026, naging malaki ang epekto nito sa daloy ng langis sa iba’t ibang rehiyon, partikular sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng mga pandaigdigang kalakalan.

20% ng pandaigdigang suplay ng crude oil at liquified natural gas (LNG) ang dumaraan sa Strait of Hormuz. Dahil sa matinding tensyon at mga banta ng pag-atake sa rehiyong sakop ang ruta, naantala at bumagal ang trapiko ng mga barkong pang-kargamento na siyang nagpalaki ng pangamba sa suplay ng enerhiya at nagtulak sa presyo ng krudo mula $65 patungong mahigit $100 bawat bariles sa pandaigdigang merkado.

Bukod sa Strait of Hormuz, inatake ng Iraqi drone ang East-West oil pipeline ng Saudi Arabia noong Setyembre 11 dahilan para pansamantalang isinara ang naturang pipeline na kilala rin bilang Petroline.

Ang imprastraktura ay direktang nag-uugnay sa mga pangunahing oil fields ng Saudi Arabia sa Silangang Lalawigan patungo sa port terminal ng Yanbu sa Red Sea, ito ang nagsisilbing pangunahing alternatibong ruta ng bansa upang maiwasan ang Strait of Hormuz.

Sa katunayan, ginagamit ito upang iangkat ang humigit-kumulang 4 milyong barrels ng langis kada araw na katumbas ng halos 4% ng pandaigdigang suplay.

Ayon sa pinakahuling datos mula sa Department of Energy (DOE), ang Pilipinas ay pangyunahing umaasa sa pandaigdigang merkado dahil halos 98% ng crude oil imports ay nagmula sa Middle East, partikular sa Saudi Arabia,  United Arab Emirates (UAE), at Iraq.

Bukod sa krudo, ang mga pinong produktong langis na ginagamit sa mga sasakyan tulad ng diesel at gasolina ay 97 porsyento na inaangkat naman mula sa mga karatig-bansa sa Asya gaya ng South Korea, Singapore, Malaysia, at Japan. Gayunpaman, ang mga refinery ng mga bansang ito ay umaasa rin sa krudo na nagmumula sa Middle East na kailangan dumaan sa makitid na ruta gaya ng Strait of Hormuz.

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na 50% ng industriya sa bansa ay nakaaasa langis. Sa halos pitong buwang pagpapatuloy ng giyera, nagpapatuloy pa tumitinding krisis sa global supply chain na higit na nakaapekto sa presyo ng langis tungong $200 kada barrel.

“We have never treated Petron as simply a profit center,” – Ramon Ang

Ayon sa Department of Energy, umabot na sa P73.68 kada litro ang netong pagtaas ng presyo ng diesel mula sa unang kwarto ng taon. Samantalang sa loob lamang ng Setyembre, tumaas pa ng P18.31 kada litro ang presyo ng diesel, bunsod ng magkasunod na dagdag-presyo.

Sa ulat ng IBON Foundation, 65% ng suplay ng langis ay napupunta sa sektor ng transportasyon, sumunod ang services (11.9%), industriya (7.6%), gamit pangbahay (7%), at sa agrikultura (1%).

Kaya naman sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tsuper at operator ang unang umaaray.

“Sa maghapon naming pamamasada, nag-uuwi na lang kami ng mahigit P200, pinakamataas [na ang] P400. Sa kinu-krudo namin sa isang araw mahigit P3,000. Kaya kakapiranggot na lang ang aming kinikita sa aming pamilya.” ani Tatay Mario, jeepney driver-operator sa Novaliches,

Noong Setyembre 28, ipinatupad ng LTFRB ang minimum na pamasahe sa tradisyunal na jeepney mula P13 tungong P14 para sa unang apat na kilometro. Ayon sa PISTON, insulto ang baryang dagdag-pasahe para sa mga tsuper at operator na gumagastos ng P3000 kada araw para sa langis.

“Dahil sa ganitong presyo ng langis grabe eh, hindi kakayanin. Kasi yung piso na dinagdag nila, wala rin epekto yan dahil sa sbrang taas [ng presyo].” dagdag ni Samuel Soria, driver-operator ng Don Bosco-Delpan-Divisoria route.

Sa kabilang banda, dalawang ‘oil giants’ sa Pilipinas ay nag-ulat ng paglaki ng kita ngayong taon.

Ang Petron Corporation, na pagmamay-ari ni Ramon Ang, ay nakalikom ng P3.8 billion kita sa unang hati ng 2026. Habang ang kampanyang Shell Pilipinas Corporation naman ay dumoble sa P1.62 billion ang kita kung ikukumpara sa P743.6 million nilang kita noong 2025.

Ayon sa PISTON, ang pabago-bagong dikta ng pandaigdigang merkado ng langis ay pakana ng US kagunay sa nagpapatuloy na giyerang agresyon sa Kanlurang Asya na siyang dahilan para sa naturang mga kumpanya na magtaas ng presyo ng langis.

Sa kabilang banda, ilan sa mga tsuper ang nagtataka sa mabilis na pagtaas ng presyo ng langis sa kabila ng pagkakaroon pa nito ng suplay sa ilalim ng Executive Order No. 134.

“Kapag nagkaroon ng balita sa ibang bansa, nandyan agad ang pagtaas. Samantalang mayroon tayong stock dito sa Pilipinas. Kaya hindi naman sana pwedeng kapag mayroong banta [ng gyera] sa bansa, kaagad na tataas dito sa Pilipinas.” giit ni Teody Bermejo ng PISTON-Alabang Chapter.

Malinaw na nakasaad sa EO 134 na ang mga oil companies, liban sa mga “refiners” ay kailangang may minimum inventory na sapat sa 15 na araw. Ang mga kumpanyang refiners naman gaya ng Petron, ay dapat may 30 na araw na suplay.

Ayon sa IBON Foundation, ginagamit ng mga kumpanya ang tinatawag na “replacement cost” sa pagpataw ng dagdag-singil sa presyo ng langis dahilan upang maipasa agad sa mga konsumer ang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado kahit ang kasalukuyang stock ay nabili pa sa mas mababang halaga. Tinatawag itong “windfall profits” o dagdag-kitang nagmumula sa pagtaas ng presyo sa halip na sa pagtaas ng produksyon na tinatayang umabot sa halos P47 bilyon noong Marso 2026 lamang.

Perwisyong buwis, bawas-kita sa mga tsuper

Ayon sa Department of Energy (DOE), umabot sa mahigit 32 milyong litro ang konsumo ng diesel sa bansa.

Mula Setyembre 22, umabot na sa P105 kada litro ang presyo ng gasolina, kasabay ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado na pumalo sa mahigit $80 kada bariles.

Sa kasalukuyan, nasa P95.95 kada litro naman ang average na presyo ng diesel sa Metro Manila.

Sa kabila ng mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado; may dagdag-pasanin pa para sa mga Pilipino sa anyo ng buwis partikular ang excise tax at value-added tax (VAT) na ipinapataw sa mga produkto.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, itinakda ang excise tax sa diesel sa P6 kada litro simula 2020. Samantala, 12% naman ang VAT na ipinapataw kada produkto. 

Hindi tulad ng excise tax na nakatakda sa halagang P6 kada litro, nagbabago ang halaga ng VAT depende sa presyo ng diesel. Dahil dito, habang tumataas ang presyo ng produktong petrolyo, tumataas din ang halagang nakokolekta mula sa VAT.

Tinatayang P17.25 kada litro ang kabuuang VAT at excise tax ang kinikita ng pamahalaan sa paniningil nito. Kapag inilapat ang halagang ito sa mahigit 32 milyong litro ng diesel na kinokonsumo kada araw sa bansa, katumbas ito ng humigit-kumulang P544 milyon kada araw.

Para sa mga tsuper, hindi lamang numero sa resibo ang bawat pisong nadagdag sa presyo ng diesel. Katumbas ito ng perang dapat sana’y maiuuwi sa kanilang pamilya.

“Ang nawawala na kita sa amin sa araw-araw halos P1,200, dahil dati sa P55 [presyo ng diesel] kumikita pa kami. Ngayon, nagiging P100 [presyo ng diesel] na kaya kalahati ’yong aming dinagdag na dapat ibigay na sa aming pamilya. ’Yong 1,200 ayon yong napupunta sa VAT at excise tax kaya wala na kami maiuuwi,” ani Cerene Catereno mula sa PISTON-South Coordinator.

Noong Setyembre 25, pansamantala namang sinuspinde ang excise tax sa mga produktong petrolyo, partikular sa LPG at kerosene.

Samantala, naapagpatupad na ang ilang karatig-bansa gaya ng Vietnam, Malaysia, at Thailand ng fuel subsidies, discounts at price ceiling sa local oil companies upang maibsan ang epekto ng pandaigdigang oil-price shocks kaugnay sa sigalot sa Kanlurang Asya.

Sa Pilipinas, nananatiling umiiral ang Oil Deregulation Law (ODL) o “Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998” na siyang nagtatanggal ng kontrol sa gobyerno at nagbibigay-kalayaan sa mga oil companies na magdikta ng presyo.

“Kahit ayaw naming magdagdag ng pamasahe, kinakailangan dahil wala na sa’ming natitirang pang-uwi sa pamilya dahil sa taas ng gas. Pati pangmaintenance sa jeep tumataas din ang presyo. Kapag nagpatuloy ‘to, patuloy [ding] babagsak ang aming transportasyon.” panawagan ni Darius Cruz, Bise Presidente ng Calumpit Jeepney and Operator and Drivers Association (CAJODAP) PISTON.

Sa pagtatapos ng dalawang araw na tigil-pasada, magpapatuloy pa rin ang laban ng mga tsuper at operator para ipanawagan ang pag-rollback sa presyo ng langis at ang tuluyang pagbabasura sa ODL.

“Hindi natatapos ang ating laban sa dalawang araw nating welga. Bahagi lamang ito ng mas mahaba pang laban. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, sinasabi ng Malacañang na wala siyang magagawa. Pero ang totoo ay hinahayaan niya lamang tumaas ang kita ng malalaking korporasyon tulad ng Petron, Shell, at Caltex, habang naghihikahos ang mga drayber at operator. Kaya tuloy-tuloy tayong magkakasa ng welga sa mga susunod na buwan hangga’t hindi binabasura ang Oil Deregulation Law, hindi tinatanggal ang VAT at excise tax sa langis, at hindi binabalik sa P55/L ang presyo ng diesel. Sama-sama tayong magpapalakas habang lumalaban,” ani PISTON.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here