Nagkaisa ang mga progresibong grupo mula sa iba’t ibang sektor upang gunitain ang Buwan ng mga Pesante para sa panawagang tunay na reporma sa lupa at paglaban sa kagutuman at inhustisya sa kanilang martsa sa lansangan ng Mendiola, Oktubre 20.

Kinondena ni Cathy Estavillo, Secretary General ng AMIHAN, sa simula ng programa ang paggamit ng dahas laban sa mga magsasaka at ang patuloy na kawalan ng reporma sa lupa.

Sinang-ayunan ito ni Ka Pando mula sa Kilusang Magbubukid (KMP) ng Bicol dahil sa pananakot at pagpapakulong sa mga magsasaka sa mga pinekeng kaso.

“Ang sigaw ng magsasaka ay lupa, ang sagot ng militar ay bomba,” aniya. 

Ilang dekada na umiiral ang mga programa sa reporma sa lupa ng gobyerno mula pa nang mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ngunit hanggang ngayon ay panawagan pa rin ng mga magsasaka ang lupa at problema pa rin nila ang pang-aagaw at pangangamkam sa kanilang mga lupa.

“Hangga’t maaari, ayaw naming makuha ‘yan dahil ‘yan lang ang ikabubuhay namin. Kung wala ang mga lupa na ‘yan, hindi kami makakapag-paaral ng mga anak dahil diyan kami kumukuha ng kabuhayan namin,” saad ni Modesto, isang magsasaka ng organisasyong BATARISAN.

Tinuligsa ni Ronnel Arambulo, Pangalawang Pangulo Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), ang patuloy na proyektong reklamasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Ang isyung ito ay hindi lamang isyu ng mga mangingisda kundi ito ay isyu ng sambayanang Pilipino para sa food security, climate change at iba pa,” aniya.

Diniin din niya na sobrang daming pangako pero kulang ang aksyon ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.

Nagtapos ang protesta sa Mendiola sa simbolikong pagwasak sa mukha ng mag-amang Marcos sa pangunguna ng mga representante ng mga grupong nagmula sa Timog Katagalugan, Gitnang Luzon, Negros, at Bicol.

Nagsagawa naman ng salubong sa University of the Philippines (UP) Diliman, tinaguriang “Gabi ng Pagkakaisa para sa Tunay na Reporma sa Lupa,” na nilahukan ng mga grupong lumahok sa protesta.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here