Ngayong Oktubre 16, nagdaos ng protesta ang mga manggagawa sa pangunguna ng Defend job Philippines, Kilusang Mayo Uno Metro Manila at kanilang mga kasaping unyon sa harap ng tanggapan ng Department of Labor and Employment sa Intramuros sa Maynila.

Literal na nagdildil ng asin ang mga manggagawa sa protesta sa kagawaran ng paggawa, isang kawikaan na nangangahulugan ng kahirapan. Sa protesta, ginawa rin itong simbolo ng kagutuman kasabay ng paggunita sa World Food Day.

Hinaing ng grupo na lumalaki ang bilang ng mga manggagawang nawawalan ng trabaho at nagugutom.

Nais din nilang iparating sa DOLE na sa kabila ng anunsyo na ipapamahagi ang 13th month pay, may mga kumpanyang hindi sumusunod dito. Panawagan nilang tiyakin ng DOLE na masusunod ang kautusang ito.

Bago pa makapasok para sa dayalogo sa ahensya, hinarang na agad ang protesta ng manggagawa ng mga kapulisan at pinagbawalan na magprograma kahit sinabi ng grupo na sila’y makikipag-usap sa loob ngunit hindi na ito natuloy. Pilit ding kinukuha ng mga pulis ang dala nilang mobile sound system. Katwiran ng pulis na nakakasagabal ang protesta at walang permit ang mga manggagawa.

Mula nang pinigilan ang protesta at pakikipag-agawan ng pulis sa gamit na dala ng mga manggagawa, hindi na nasunod ang physical distancing.

Giit ng mga manggagawa na karapatan nila ang magpahayag sa mga ahensya ng pamahalaan para tugunan ang kanilang mga karaingan. Anila, walang permit na rekisito sa kalayaan sa pamamahayag na bawat tao, laluna kung ginagamit ito laban sa iba pang pagtapak sa kanilang karapatan.

Natapos ang pagkilos matapos ang halos 20 minuto at hindi na nakapasok pa sa loob upang makausap ng mga manggagawa ang mga opisyal ng DOLE.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here