Nagdaos ng isang ‘fun run’ ang mga kaguruan para sa kanilang panawagan sa pagpapataas sa sahod sa mga guro. 

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers National Capital Region (ACT NCR) Union, nasa tinatayang 420 na mga kaguruan at estudyante ang nakilahok sa ‘fun run’ sa University of the Philippines academic oval ngayong Linggo, Setyembre 15. 

Nananawagan sila ng taas-sahod ng mga guro na Php 30,000 para sa mga guro sa pampublikong paaralan. 

Sa taong 2019, ang pusisyon na Teacher I na nasa Salary Grade 11 sa Salary Standardization Law ng bansa ay tumatanggap lamang ng P20,754. 

Nababahala ang grupo ng dahil sa maliit na budget ang nais ibagay sa pagtaas ng sahod ng mga guro sa panukalang national budget sa taong 2020.

“Sa kasalukuyan, may budget call ang Senate at Lower House at nakakalungkot dahil ang Department of Budget and Management (DBM) ay nagpropose ng pagtaas ng sahod na 31 billion lang. Kung idi-divide sa mga kawani sa buong Pilipinas, halos Php 61.50 lang [ang dagdag-sahod na] matatanggap ng kada guro,” ani Vladimer Quetua presidente ng ACT NCR union.

Ani Quetua, nakakalungkot ang ganitong kakarampot na alokasyon sa taas-sahod ng mga guro sapagkat nangako si Pangulong Rodrigo noong ito’y nangangampanya pa lang na dodoblehin nito ang sahod ng mga guro. 

Ikinumpara rin ng grupo ang ang mas malaking budget na nilaan para sa panukala pa lang din na mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) kaysa sa mas matagal na hiling ng mga guro na pag taas na sahod.

“Samantalang ang budget sa intelligence, budget sa ROTC, mas mataas pa ang budget sa ROTC P38 bilyon, kumpara sa salary allotment P31 bilyon,” ani Quetua. 

“Napakamakatwiran ang pagtaas ng aming mga sahod, dahil sinasabi naman sa konstitusyon at magna carta nito na dapat ang teacher ay dapat nirereview ang sahod na nakabatay doon sa presyo ng mga bilihin,” dagdag ni Quetua.

Hinimok ni Quetua ang probisyon sa Konstitusyon ng Pilipinas, ang Artikulo XIV, Seksyon 5 (5) na nagsasaad: “Dapat mag-ukol ang Estado ng pinakamataas na prayoriti sa pagbabadyet sa edukasyon at seguruhin na magaganyak at mapamamalagi ng pagtuturo ang nararapat na kaparte nito sa pinakamahuhusay na mga talino sa pamamagitan ng sapat na gantimpagal at iba pang paraan ng kasiyahan at katuparan sa gawain.”

Kaya naman hinihikayat ng ACT NCR union ang iba pang mga kaguruan na sumali sa kampanya upang ipakita sa gobyerno na dapat ibigay na ang makatwirang kahilingan ng mga guro na itaas ang sahod.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here