

Kinalampag ng mga kabataan at iba pang maralitang residente ng Quezon City, sa pangunguna ng Ugnayan ng Pagkakaisa Laban sa Korapsyon (UPAK), ang Quezon City Hall kasabay ng paglulunsad ng mga serye ng Black Friday Protest ngayong araw, Setyembre 19.
Kabilang din sa mga lumahok ang ilang residente mula Novalichez, Commonwealth, G. Araneta, Tatalon, at Del Monte kung saan matinding nakararanas ng patuloy na pagbaha tuwing humahagupit ang kalamidad.
Mariin nilang kinondena ang apat na kongresistang pinangalanan ng mag-asawang Discaya na sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Quezon City. Kabilang dito ang mga kongresista mula District 1 na si Juan Carlos ‘Arjo’ Atayde, District 4 na si Marvin D. Rillo, District 5 na si Patrick Michael ‘PM’ Vargas, at District 6 na si Maria Victoria ‘Marivic’ Co-Pilar.”
Tinukoy rin nila ang ibinunyag ng Quezon City LGU kung saan lumobo pa sa 331, mula 254, ang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lungsod na may kabuoang pondong P17 bilyon mula 2022 hanggang kasalukuyan.
Malinaw ring nakasaad sa Ordinance No. SP-2939, S-2020 ang pangangailangan ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan ang bawat proyektong itatayo sa Quezon City, ngunit dalawa lamang sa mga naturang proyekto ang may Certificate of Coordination (COC) at pinayagan ng lungsod.
Lumitaw ang mga tinaguriang “ghost projects” sa lungsod, partikular sa:
- District 1 – 7
- District 2 – 1
- District 3 – 9
- District 4 – 2
- District 5 – 0
- District 6 – 25
“Sa kabuuang mga proyekto, 157 ang nakapaloob at pinondohan sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), habang 170 naman ang wala sa listahan ng NEP para sa mga taong 2022, 2023, 2024, at 2025,” ayon sa ulat ng Quezon City LGU.
Ayon pa kay Quezon City Engineer Atty. Dale Perral, 305 sa mga proyekto ang hindi nakalinya sa Drainage Masterplan ng lungsod. Sa pagbisita ng mga opisyales ng lungsod sa mga proyekto, tumambad ang mga proyektong itinayo mismo sa waterways, mga natitirang construction debris, itinayo sa mga mayroon nang imprastruktura, mga nasira na, at mga proyektong may kwestiyonableng dami ng phases.
“May mga proyekto ring hindi ma-verify kung nakumpleto na, at mga “drainage system” projects na ang actual scope of work lang ay repainting ng sidewalk at pagsasaayos ng manhole ayon sa mga opisyal ng barangay,” dagdag pa sa ulat.
Para kay UPAK lead convenor Hersheys Idagan, kailangan ding managot ng mga sangkot na senador hinggil sa usapin sa maanomalyang flood control projects.

“Ang pera ng mamamayan ng Quezon City ay patuloy na nilulustay ng mga kurakot na kongresista na ito, nandirito kami upang kalampagin ang mga opisyales na ito upang managot sa kanilang paglulustay ng pondo ng bayan. Ito ay hindi lamang isyu ng lokalidad kundi pati rin ng buong bansa na paulit-ulit nararanasan ang ganitong kawalangyaan,” aniya.
“Ang mga estudyante, manggagawa, at mga nasa komunidad ng lungsod na tinatawid ang araw araw nilang pamumuhay ay nagtitiis sa kawalanghiyaan na ginagawa ng tiwaling opisyales na ito. Dapat managot ang mga kongresistang ito ang mga kasabwat na senador, at DPWH!” dagdag pa niya.
Makikipagtulungan naman ang Quezon City LGU sa Philippine Institute of Civil Engineers (PICE) QC at kay Dr. Mahar Lagmay upang mas mapabuti ang mga pagsusuri hinggil sa mga naturang proyekto ang alamin kung mayroon pang mga pwedeng pakinabangan.
Maglalabas din ng cease-and-desist orders ang lungsod sa mga ongoing projects na walang COC at titiyakin ang mahigpit na pakikipagtulungan sa mga komunidad at iba pang opisyales ng lungsod.





























