Umaga ng Setyembre 9, sama-samang nagtungo sa Pasay City Hall ang mga residenteng apektado ng demolisyon sa Brgy. 73, Ignacio St, Pasay City.

Pinapangambahan ng mga residente ang napipintong pagpapalayas sa kanila sa darating na Setyembre 27 na itinakdang palugit upang kusang lisanin ang naturang komunidad.

Tintatayang higit na 100 pamilya ang mawawalan ng bahay, sa kabila ng deka-dekadang pamamalagi ng mga residente sa lugar.

Anang mga residente, walang malinaw na alternatibong programa o ayuda para sa mga apektadong residente.

Giit ng mga residente, biktima sila ng hindi patas na kasunduan ng kanilang Homeowners’ Association (HOA), barangay at iba pang mga kasabwat diumano upang tuluyang mapalayas ang mga residente. Anila, walang kaalam-alam ang mga lehitimong mga residente sa kuntsabahan at bentahan na hindi man lamang naaabisuhan ang kalakhan ng mga residenteng  na maraming taon na rin nagbabayad ng kani-kanilang amilyar.

Mariing kinundena ng mga residente ang panlilinlang at pang-iiwan ng mismong HOA at barangay.

Lumabas naman si Mayor Imelda Calixto-Rubiano at hinarap ang mga residenteng nagtipon sa labas ng city hall. Ani mayor, tutugunan niya ang mga hinaing at kahingian ng mga residente.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here