“Pondo sa serbisyo, hindi sa terorismo ng estado!” sigaw ng mga grupo sa isang kilos-protesta na pinangunahan ng Karapatan kasama ang iba’t ibang sektor, organisasyon, at mga nagtatanggol sa karapatang pantao sa House of Representatives sa Quezon City. Ang nasabing pagkilos ay kaalinsabay ng budget hearing para sa Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Mariing tinututulan ng grupo ang panukalang dagdag-badyet ng DND para sa taong 2025 na aabot sa P256.1 bilyon. Halos 6.4% o aabot sa P15.5 bilyon ang dagdag na pondo na hinihingi ng DND para sa mga serbisyo nito.
Para sa mga grupo, ang DND, partikular ang AFP, ay responsable sa malubhang paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang pagtaas ng mga kasong lumalabag sa International Humanitarian Law.
Ayon sa datos ng Karapatan, nakapagtala ng 105 kaso ng extrajudicial killings at 75 kaso ng frustrated extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. noong Hunyo 2024. Mayroon ding 12 kaso ng sapilitang pagkawala, 42,426 biktima ng forced evacuations, 63,379 biktima ng indiscriminate firing, at aabot sa 44,065 biktima ng aerial bombings at artillery strikes.
“Karamihan sa mga biktima ay mga sibilyan na tinaguriang mga mandirigma ng New People’s Army na pinatay sa mga engkwentro,” pahayag ng Karapatan.
Panukala rin ang P50 bilyong alokasyon para sa AFP modernization program sa 2025. Layunin umano nitong palakasin ang kakayahan sa pambansang depensa sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.
Ayon sa Karapatan, walang ibang patutunguhan ang programang ito kundi ang magdala ng “bagong dimensyon” sa kasalukuyang military build-up.
“Sa pagkakataong ito, ang mga sundalong Pilipino ay hindi lamang gagamitin upang patayin ang kanilang kapwa Pilipino kundi magiging cannon fodder para sa imperyalismong Amerikano sa digmaan nito laban sa China,” ani Karapatan sa kanilang pahayag.
Ayon sa grupo, higit na dapat ilaan ang pondo sa serbisyong panlipunan kumpara sa DND o AFP.
“Sa halip na mga ganitong hindi makatarungang alokasyon, dapat ilaan na lamang ang pondo sa mga serbisyong panlipunan para sa mga mahihirap at sa nakararaming Pilipino, at hindi para sa terorismo sa mga tao at pagpapalawak ng agenda ng digmaan ng US,” pagbabahagi ng Karapatan.
Sa huli, panawagan ng Karapatan sa mga Pilipino sa kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. na itigil ang nagpapatuloy na all-out war sa pamamagitan ng counter-insurgency program ng DND.