Naglunsad ng simbolikong kilos protesta ang mga lider-estudyante, kaguruan, taong simbahan, at iba pang progresibong grupo sa ilalim ng ONE TAFT alliance sa iba’t ibang bahagi ng Taft Avenue noong Lunes, Enero 30.
Nilahukan ang protesta ng iba’t ibang unibersidad sa hanay ng Taft Avenue tulad ng De La Salle University, St. Scholastica’s College Manila, Philippine Christian University, Saint Paul University – Manila, University of the Philippines – Manila, Manila Science High School, Philippine Normal University, at Technological University of the Philippines – Manila.
Nagsindi ng kandila at nanalangin ang mga dumalo upang ipanawagan ang paghingi ng hustisya at pananagutan lalo na sa administrasyong Marcos-Duterte na nasangkot sa kontrobersiya hinggil sa paggamit sa pondo ng bayan, partikular na ang Confidential at Intelligence Funds (CIF).
Laman ng panalangin ang sumusunod:
O dakilang manlilikha, nagpapasalamat kami sa araw na ito na kami ay nagkatipon para sa layuning ipanalangin ang aming bansa.
Idinadalangin namin ang mga kababayang naghihikahos, dahil sa mataas na presyo ng bilihin, pabigat na buwis at kawalan ng sapat na kabuhayan.
Idinadalangin namin ang mga araw-araw na nabibigatan. Namumuhay sa kawalang katiyakan kung saan kukunin ang pagkain at gamot.
Idinadalangin namin ang mga walang tahanan at natutulog sa lansangan, ang mga kababayang pinabayaan na ng walang malasakit na mga pinuno ng bayan.
Idinadalangin ang mga kababayang may karamdaman at ang sambayanang naghahanap ng kaparaanan na maghanap ng pambayad sa pagamutan dahil walang libreng serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan.
Idinadalangin namin ang mga magsasakang naghihintay ng ulan para sa patubig at ng ayudang kakarampot habang bumabaha sa pamilihan ang bigas na galing sa ibang bansa.
Idinadalangin namin ang mga manggagawang napipilitang kumuha ng dalawa o higit pang trabaho upang kumita nang sapat, subalit hindi pa rin kayang tugunan ang mga matataas na bayarin.
Hiling namin, O Diyos, na nawa’y unahin ng mga nasa kapangyarihan ang kapakanan ng bayan. Ilaan ang sapat na badyet para sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, transportasyon, pabahay, at iba.
Sa Iyong kapangyarihan at hustisya, hindi nawa kasangkapanin ang programang ayuda sa pamumulitika. Tulungan kami at bigyan ng tapang upang sugpuin ang korapsyon, panagutin ang mga korap na opisyal, at paalisin sa pwesto ang mga mapapatunayang may sala.
Bigyan Niyo po kami ng kabayaran at determinasyon na lalo pang patibayin ang aming pagkakaisa at nawa’y mas marami pa kaming maabot at makasama sa layunin ng pagbabago ng bulok na sistemang pinangingibabawan ng mga korap na dinastiya.
Tulungan Mo kami na sama-samang tahakin ang landas tungo sa makabuluhan at tunay na pagbabago para sa isang makatarungan, maunlad, mapayapa, mapagkalinga, at demokratikong Pilipinas.
Amen.
Ayon sa mga grupo, nakahanda silang lumahok sa mas malawak na kilos protesta na ilulunsad sa Martes, Enero 31 sa Liwasang Bonifacio.





















