Idinaos ang paggunita sa mga martir ng Batas Militar ngayong umaga ng Setyembre 21 o 48 taon matapos ang deklarasyon ng batas militar ng pumanaw na diktador na si Ferdinand Marcos, Sr.

Nagtipon mga iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Movement Against Tyranny kasama ang Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law sa Bantayog ng mga Bayani kung saan nakaukit ang pangalan ng mga martir at biktima ng batas militar ni Marcos. Nag-alay ng bulaklak bilang pag-alala at pagbibigay-pugay sa mga aktibista ng Batas Militar na tinuturing na nag-ambag sa paggapi sa diktadurya ni Marcos at panunumbalik ng demokrasya.

Dinaluhan ang taimtim na pagtitipon ng mga survivor ng Batas Militar, kaanak ng mga martir, at ilang personalidad gaya nina Neri Colmenares, Chel Diokno at Erin Tañada. Si Colmenares ay survivor din ng Batas Militar.

Pahayag ni Neri Colmenares, isa sa libu-libong biktimang kabataan noong panahon ni Marcos, hindi makatarungan na ipagbunyi bilang bayani si Marcos.

Ani Colmenares “Nais balukturin ng mga Marcoses at ni Duterte para sabihing bayani siya at hindi ang mga bayani natin. Kapag ikaw ay bayani dapat huwaran, hindi modelo at huwaran si Marcos dahil human rights violator siya, torturer siya, plunderer siya ng ating bansa.”

Dinagdag pa ni Colmenares na hindi lang para ipaalala at isambulat ang karahasan ng diktadurayng Marcos kundi ang araw na ito ay para rin ilantad ang kasalukuyang kaharasan ng administrasyong Duterte.

“Hindi tayo nandito ngayon para lang tutulan at expose ang martial law noon at diktadura ni Marcos, nandito tayo ngayon para tutulan ang diktadura ni Duterte,” ani Colmenares.

Pinahayag naman ng batikang human rights lawyer na si Chel Diokno ang hindi paglimot sa mga paglabag sa karapatang pangtao ng mga Marcos.

“Hindi natin kakalimutan yung paninikil ng batas militar na ginawa ng diktadurang Marcos, yung pangdarambong nila hindi natin kakalimutan yan. May leksyon rin ang Martial Law para sa mga wannabe dictator, wag nyong kakalimutan ganon rin ang mangyayari sa inyo,” pahayag niya.

Si Diokno ay anak ng dating senador at kinikilalang “ama ng adbokasiya sa karapatang pantao” at tagapagtatag ng Free Legal Assistance Group na si Jose Diokno. Arbitraryong inaresto si Diokno, kasama ni Ninoy Aquino, na parehong tinuturing noon na mga pangunahing kalaban sa pulitika ni Marcos. Nakulong siya ng halos dalawang taon.

Sa paggunita sa ika-48 ng Batas Militar ngayon araw, inaasahan ding magkakaroon ng malawak na protesta na ilulunsad sa UP Diliman ngayong hapon.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here