Naglunsad ng caravan protest mula sa harap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB) at Senate building sa Pasay City ang hanay ng mga drayber at operator upang manawagan na tanggalin ang excise tax sa langis at kundenahin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo noong ika-23 ng Nobyembre.

Sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), nanawagan ang mga mga drayber at operator na tuluyan ng tanggalin ang excise tax sa langis, na siya namang dinidinig sa Senado kahapon, dahil dagdag pasanin at pahirap umano ito hindi lamang sa hanay ng mga drayber at operator, kundi maski sa mamamayan.

“Dahil sa excise tax sa produktong petrolyo, sa kada araw na pag biyahe namin, halos P 346 ang nawawalang kita ng mga drayber na dapat sana ay nagagamit sa pangangailangan ng aming pamilya. Pero dahil sa patuloy na pag-iral ng mga polisiya at patakaran, tuloy tuloy na nawawalan ng kita ang mga drayber at operator,” ani, Ka Mody Floranda, National President ng PISTON.

Kinondena ng grupo ang pagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo dahil anila, kahit hindi gumagalaw ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay automatic na may nakapatong na anim na piso per liter sa presyo ng diesel at kerosene at sampung piso naman sa presyo ng gasolina.

Mariin ding tinututulan ng PISTON ang pagsasabatas sa Oil Deregulation Law dahil kaakibat ng TRAIN law at excise tax sa langis, ay nakakatulong din umano ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Makatarungan ang ating panawagan na ibasura ang Oil Deregulation Law dahil alam po natin na simula ng ipinatupad ang batas na ito ay lalo lamang nagdulot ng patuloy na pahirap sa mga drayber at operator pati sa mamamayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dito sa ating bansa.” Dagdag ni Floranda.

Pagpapatigil sa anumang porma ng jeepney phaseout

Bukod sa panawagan na ibasura ang excise tax sa langis at Oil Deregulation law, nananawagan din ang mga hanay ng drayber at operator na itigil ang iba’t-ibang uri ng jeepney phaseout at payagan nang magbalik-pasada ang isang daang porsyentong ruta ng mga jeepney sa bansa.

Ayon sa grupo, ang paglalabas ng memorandum circular kung saan isinasaad ang pag-stopic ng LTFRB sa prangkisa ng ilang mga jeepney at ang pagkakaroon ng istriktong requirements bago makabiyahe gaya ng pagkuha ng QR code ay indikasyon ng pag-phaseout sa mga tradisyonal na jeepney.

“Naglabas na ng sangkaterbang memorandum circular at nagbibigay ng mga deadline sa usapin ng pagcocomply sa mga requirements kagaya ng tinatawag na consolidation o pagpasok sa anyo ng kooperatiba. Sa kabila ng lahat ng ito, ito ay dudulo sa pagphaseout,” ani Ruben Baylon, Deputy Secretary General ng PISTON.

Tinuligsa ng grupo ang pag-stopic o pag-bawi ng LTFRB sa prangkisa ng ilang mga jeepney na dapat sana’y sa 2024 pa mawawalan ng bisa. Dahil dito, napilitan umano na mag-file ng motion for late filing kahit na nagbayad na ang mga operator noong 2019 para sa limang taong prangkisa.

Kinuwestiyon din ng grupo ang LTFRB kaugnay sa ayuda o financial aid na dapat sana ay para sa mga drayber na hindi pa nakakabiyahe. Anila, sa loob ng dalawang taon, wala pa ni isang driver ang nakatanggap ng tulong mula sa ahensiya.

Matatandaan na sa ulat na inilabas ng Commision of Audit noong Agosto, pinuna nila ang ahensya ng LTFRB dahil sa hindi maayos na pamamahagi ng financial aid para sa mga drayber.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here