Malubha pa rin ang kasalukuyang kalagayan ng sektor ng transportasyon na kamakailang nagsagawa ng press conference sa pangunguna ng Ayuda Network upang kalampagin ang pamahalaan na ibinigay na ang ayudang pangako at pinatibay ng Bayanihan to Recover as One Act of 2020. Gayunpaman, nagtapos na ang epektibidad ng nasabing batas noong Hulyo 30, 2021. Sa pahayag ng mga lumahok na jeepney drivers at operators, hindi pa rin sila nakatatanggap ng kahit anong tulong at ayuda.

“Ang sektor po ng transport ay labing pitong buwan nang naka-lockdown mula nang idineklara noong March 20, 2020. Kung titignan natin, mayroong Bayanihan Act 1 at Bayanihan Act 2, na [kung saan ay mayroong] ina-allot na budget [para sa amin]. Sinasabi ng gobyerno na kailangan raw ay hindi raw maghanap-buhay, hindi raw kailangan lumabas ang mga drayber at mga operator sa panahon na idineklara ang lockdown dahil ito ay may kaakibat na ayuda o tulong mula sa pamahalaan,” ani Mody Floranda , pangulo ng PISTON.

Nang magsimula ang lockdown, tumindi ang banta ng jeepney phaseout dulot ng modernization plan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at naunang pagpayag sa mga modern jeepney na pumasada sa kabila nang pagiging de-erkon o kulob ng mga ito. Dagdag pa rito, ang tradisyunal na mga transportasyon ay nakaranas rin ng restriksyon sa kanilang mga partikular na ruta. Kaya naman, giit ng grupo, kasama ang hanay ng mga jeepney drivers at operators sa dapat na benepisyaryo ng Bayanihan Act 1 at 2. Ngunit, wala sa mga pangakong ito ang natamasa ng nasabing sektor.

“Pinutol nila ang ating mga ruta at hindi nila kinikilala ang lehitimong batas sa ilalim ng Republic Act No. 4136… [at ang] ating mga prangkisa. Kaya ito ay bahagi ng panggigipit, hindi lang ayuda kung ‘di ang pinaglabang makapagpasada,” dagdag ni Floranda.

Nagpahayag rin ng saloobin si Nolan Grulla, bahagi ng UP Transport Group sa tunay na dinaranas mula nang ipagkait sa maraming drayber ang nakasanayang ruta.

“Yung mga nagretiro rito sa UP, nakabili ng jeep. [Ngayon], doon nila kinuha ang ikinabubuhay. Hinahati nila. Halimbawa, ang nagbo-boundary ng P 800, ung P500 sa pagkain at P300 sa maintenance. Kita nyo naman po isang taon hindi nagbyahe. Saan pa kukuha?” ani Grulla.

Ang personal na pinagdaanan ni Grulla ay nag-udyok sa kanya na magpatuloy at makiisa sa mga kapwa drayber at operator na maging bahagi ng panawagan.

Ganito rin ang saloobin ni Ferdinand Damasco, pangulo ng asosasyon ng mga drayber ng UP Philcoa.

“Dito lang sa ‘min, 318 ang drivers, ‘di pa kasama operators. Pero wala pang ¼ ang nakatatanggap ng mga ‘yan. Ni isang ayuda wala kaming nakukuha. Sana makatikim naman kami di tulad ng sinasabi ng gobyernong sinungaling,” ani Damasco.

Sa nagdaang State of the Nation noong Hulyo 27, kasama sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatuloy ang pag-abot ng tulong sa mga jeepney drivers na hanggang ngayo’y hindi pa nakatatanggap ng ipinangakong ayuda.

Ngunit, ilang linggo na ang nakalilipas, wala pa ring pagtugon sa dinaranas na krisis ng sektor transportasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Laguna, Palawan, Tarlac at Nueva Ecija.

Nagpaabot naman ng suporta ang kinatawan ng Kabataan Partylist na si Sarah Elago sa panawagang ayuda ng nasabing sektor. Ani Elago, ang jeepney transportation ay ang recommended mode of transportation dahil sa ventilation availability nito at ang sukdulang pagbawal ng pamahalaan sa operasyon nito ay indikasyon ng kawalan ng suporta at pakialam sa mamamayan.

Hanggang ngayon, patuloy na tumitindig ang hanay ng sektor transportasyon at pinalalawig ang kanilang panawagan bilang pangangailangan rin ng ibang sektor sa buong bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here