Daan-daang kabataan mula sa iba’t ibang pamantasan ang muling naglunsad ng National Day of Walkout sa Mendiola, Maynila ngayong Biyernes, Nobyembre 21, upang irehistro ang kanilang tindig kaugnay sa nagpapatuloy na kontrobersya hinggil sa katiwalian na umiiral sa gobyerno.




Bago pa man nagsama-samang magmartsa ang mga estudyante patungong Mendiola ay naglunsad na ang humigit-kumulang 17 pamantasan sa Metro Manila ang naglunsad ng kanilang kilos-protesta at walkout.
Kabilang sa nakiisa sa protesta ang Kabataan Party-list Representative na si Atty. Renee Co at tagapangulo ng Anakbayan na si Mhing Gomez.
Iginiit ni Co at Gomez ang kahalagahan ng ‘build-up protests’ para sa parating na malawakang protesta sa Nobyembre 30.
“Mahalagang ipakita nang maigi kung ano ang malinaw na timbre ng mga kabataan. Kasi ngayon, malinaw na wala kaming magandang kinabukasan sa gobyernong kurakot. Kaya [ang] panawagan ng kabataan na hindi lang dapat na umasa na mag-resign sila Marcos, kundi dapat kumilos ang kabataan kasama ang mamamayan upang patalsikin si Marcos at si Sara Duterte,” ani Gomez.
Pinangunahan ng One Taft ang mga estudyanteng mula sa De La Salle University (DLSU), Adamson University (AdU), University of the Philippines-Manila (UPM), Technological University of the Philippines (TUP), Philippine Normal University (PNU), at iba pang karatig na paaralan sa Taft Avenue.
Dagdag pa rito ang mga hanay mula sa One U-Belt na binubuo ng Arellano University (AU), Centro Escolar University (CEU), Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), Far Eastern University (FEU), Polytechnic University of the Philippines (PUP), National University (NU), University of Sto. Tomas (UST), University of the East (UE), at iba pa.
Kasama rin sa protesta ang One Katipunan, University of the Philippines Diliman (UPD), at Ateneo de Manila University (ADMU) na nagsulong ng kanilang mga panawagan.


Pangunahing tampok sa protesta ang panawagan ng mga kabataan na mapanagot ang mga imbwelto sa malawakang anomalya kaugnay sa flood control projects sa Department of Public Works and Highways.
Giit ng mga estudyante, malaki ang pananagutan ng Pangulong Marcos sa pag-alagwa ng korapsyon sa gobyerno, lalo at siya ang naglalagda ng pambansang badyet bago pa man ito ipatupad sa mga kagawaran at ahensya.
Binatikos din nila ang kontrobersya ni VP Sara Duterte kaugnay naman sa paglustay nito ng Controversial at Intelligence Funds (CIF) noon siya pa ang umuupong Secretary ng Department of Education, na naging dahilan para siya ay ma-impeach noong Disyembre 2024.
Isinulong din ng mga estudyante ang panawagan para sa mas mataas na pondo sa edukasyon, pagbaba ng presyo ng bilihin, at pagtuon ng pambansang badyet para sa serbisyo publiko.
“Clear po rito ang gusto ng kabataan; mas mataas na pondo sa edukasyon, hindi sa korapsyon. At ganito po karami ang kabataan na gustong kumilos, gustong lumaban para sa kinabukasan namin,” wika ni Co.


Inaasahan na mas dadami pa ang dadalo sa inaasahang “Baha sa Luneta 2.0”, isang pambansang protesta sa darating na ika-30 ng Nobyembre, kasabay ng Bonifacio Day, na pinangungunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK).



























