Mga ahensya ng gobyerno, nakipagpulong sa mamamayan ng San Juan

0
1777
Nagbahagi ng programa ng DOLE si Usec. Joel Maglungsod sa San Juan People's assembly noong October 2.

“Lumalaki ang pangangailangan ng maralita kung kaya’t nananawagan kami kay Pangulong Duterte na magbigay-tugon ng serbisyo sa maralita,” ani Salvacion Calong mula sa Sandigang Maralitang Nagkakaisa ng Corazon de Jesus (SAMANA).

Inilunsad ng Sandigang Maralitang Nagkakaisa ng Corazon de Jesus (SAMANA), katuwang ang Metro Manila Duterte Movement, ang kauna-unahang San Juan People’s Summit sa lungsod noong Oktubre 1 sa Barangay Balong Bato.

Pinuri ng SAMANA ang pagdalo ng mga kinatawan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagtitipon.

Ibinahagi ni Salvacion Calong ng SAMANA ang kalagayan ng mamamayan ng San Juan. (Litrato ng Manila Today/Tudla Productions)
Ibinahagi ni Salvacion Calong ng SAMANA ang kalagayan ng mamamayan ng San Juan. (Litrato ng Manila Today/Tudla Productions)

“Sa hapong ito ay napakaganda sapagkat mismo ang ating mga ahensya ng pamahalaan, mga secretary, undersecretary at kinatawan sa iba’t ibang ahensya ay bumababa na po sa mga komunidad upang personal na marinig at maihain po natin ang ating mga hinaing,” ani Antolin Peñaranda ng SAMANA.

Ihinain ng SAMANA ang kanilang mga kahingian sa mga upisyal ng gobyerno na dumalo sa pulong.

“Kabilang sa aming mga pangangailangan at kahilingan ang katiyakan sa paninirahan, magkaroon ng kumprehensibong programa para sa maralita o ang pagkakaroon ng programang pangkabuhayan, maiayos ang drainage at kalsada sa komunidad na hindi kailangan gibain at mawala kami sa aming mga tahanan, programa sa disaster at kontra-droga, dagdag budget para sa ospital at mga health care program, 4ps na matiyak ang pangmatagalang benepisyo sa mahihirap, programa sa pagbibigay-kaalaman hinggil sa batas,” pagbabahagi ni Calong.

People's assembly sa San Juan noong October 2. (Litrato ng Manila Today/Tudla Productions)
People’s assembly sa San Juan noong October 2. (Litrato ng Manila Today/Tudla Productions)

Kampanya laban kontraktuwalisasyon, P 125 wage increase at national minimum wage

“Kami sa DOLE, ang ginagawa namin mula July 1, kailangan sinisiguro namin na mawala na iyong kontraktuwalisasyon, o yung endo o 5-5-5,” ani Undersecretary Joel Maglunsod ng DOLE.

Ibinahagi ni Maglunsod na nananatili ang kautusan ng pangulo na tapusin ang kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa, isang paninindigang binitawan niya noong tumatakbo pa lamang sa pagkapangulo.

“Wala rin karapatang mag-unyon ang mga kontraktuwal. Kapag sumali ka sa asosasyon, tatanggalin ka agad. Ito yung mga gusto ng presidente natin na maresolba,” dagdag ni Maglunsod.

Problema rin daw ng manggagawa ang kawalan ng trabaho sa bansa kung kaya’t nagkakasya sa kakarampot na sahod.

“Hindi sapat ang P 481 na sahod sa Metro Manila. Ang kailangan ngayon para mabuhay ka pati pamilya mo ay tumatanggap tayo ng average P 1,088 kada araw,” ani Maglunsod.

Ayon pa kay Maglunsod, nitong nakaraang linggo lamang, nagpaabot na ang DOLE ng advisory sa mga regional offices hinggil sa P125 wage increase.

“Dahil lugmok sa kahirapan, kalunos-lunos ang sitwasyon ng mga manggagawa, nag-issue ang DOLE ng advisory sa lahat ng regional offices niya na talakayin na ninyo yung dagdag sahod ng mga manggagawa mga sa lahat ng mga regions, iyong across the board P125 increase,” pagbabahagi ni Maglunsod.

Ipinaalala din ni Maglunsod na isinusulong din ni Duterte ang pagkakaroon ng pantay-pantay na sahod sa lahat ng manggagawa.

“Ang gusto ng presidente na dapat ang sahod ng lahat ng manggagawa ay pareha, ibig sabihin may national minimum wage,” ani Maglunsod.

Isa muling dagdag-sahod ang kalalabasan ng national minimum wage sakaling maipatupad.

Noong nakaraang taon, naglunsad ang Kilusang Mayo Uno at All Workers Unity ng kampanya para sa national minimum wage na P750 para sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribado at P16,000 para sa buwanang sahod ng mga kawani ng gobyerno.

Tunay na malasakit, maagap at mapaglingap na serbisyo sa mamamayan

Sinisikap umano ng DSWD na matiyak ang serbisyo sa mamamayan ani DSWD Asec. Malou Turalde. (Litrato ng Manila Today/Tudla Productions)
Sinisikap umano ng DSWD na matiyak ang serbisyo sa mamamayan ani DSWD Asec. Malou Turalde. (Litrato ng Manila Today/Tudla Productions)

“Ang marching orders sa amin ni Pangulong Duterte at Secretary Judy ay sikapin ang mga programang ito ay tiyak na maglilingkod sa mamamayan, putulin ang mahabang proseso ng burukrasya at sa halip na kayo ang lumalapit sa amin ay kami ang lumalapit sa inyo. Ito ang uri ng pamumuno na pwede naming mabigay sa mamamayan,” pagbabahagi ni Assistant Secretary Malou Turalde ng DSWD.

Ani Turalde, habang inaaral nila ang mga programa ng ahensya at sinisiyasat kung paano nagamit ang mga ito at kung paano napakinabangan ng mamamayan ay tuloy-tuloy naman ang pagbibigay-serbisyo sa mga nangangailangan.

Maraming batikos na nagamit ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa pulitika, pangangampanya sa eleksyon at sa korapsyon sa nakaraan.

Kamakailan lang ay sinalag ng DSWD ang pagtatangka ng mga congressmen na panatilihin ang referral letter bilang integral na rekisito sa pagkuha ng assistance mula sa Protective Services Program ng ahensya gaya ng Medical Assistance, Educational Assistance, atbp. Tinutulan ito ni Secretary Judy Taguiwalo sa pagsasabing hindi ipinagbabawal ang referral letters mula sa mga opisyal ng gobyerno, bagamat hindi rin pagkakaitan ang mga mamamayang nangangailangan ng tulong dahil sa wala silang referral letter.

Tuloy naman ang pagbibigay ng 4Ps habang isinasagawa ng DSWD ngayon ang isang proseso ng validation.

“Paano ang mga mahihirap na hindi nakakasama o iyong mga hindi nararapat makatanggap ng 4Ps? Kami po ay kasalukuyang nagsasagawa ng validation upang malinis iyong listahan para tiyakin iyong serbisyo ay makarating sa dapat mabigyan nito,” ani Turalde.

Kasama sa budget ng ahensya para sa 2017 ang 4Ps at may dagdag na itong 20 kilo ng bigas buwan-buwan para sa 4.4 milyong benipisyaryo nito.

“Hindi sapat iyong cash grant kasi pantawid lang iyan. Gusto lang makatawid. Hindi iyan iyong solusyon sa kahirapan. Mayroon pa tayong kailangan gawin para makarating sa matagalan, mas matiwasay at mapayapang pamayanan,” giit ni Turalde.

Ang SAMANA ay namuno sa pagtindig ng mamamayan laban sa marahas na demolisyon sa Barangay Corazon de Jesus noong 2011 at 2012. Ang Corazon de Jesus, na katabi ng dambana ng Pinaglabanan o iyong unang laban ng Katipunan laban sa mga Kastila, ay isa sa pinakamalaking maralitang komunidad sa lungsod ng San Juan. Pag-aari ng gobyerno ang lupang kinatitirikan ng mga bahay ng maralita rito.