Sa pangunguna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), muling nagbaha ng laksa-laksang sektor at progresibong grupo sa Kamaynilaan noong Nobyembre 30, kaalinsabay ng paggunita sa ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio, para gunitain ang tinaguriang Baha sa Luneta 2.0 tampok ang panawagang panagutin at ikulong ang lahat ng sangkot, gayundin ang tuluyang pagpapatalsik kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise-Presidente Sara Duterte.
Bago pa man dumating sa Luneta ang mga grupo, nagkaroon muna ng mga tipunan sa magkakaibang sulok at komunidad sa Metro Manila. Bitbit ang mga plakard at banners, naglunsad sila ng mga maiikling protesta sa kahabaan ng Taft Ave., España Ave., Philcoa, Pasig Palengke, Marikina Clock Tower, Pasay Rotunda, Baclaran Church, Sangandaan, at iba pa upang patuloy na isiwalat ang usapin ng korupsyon at impunidad sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte.










Bandang 9:00 ng umaga, tumulak na ang mga hanay patungong Luneta upang magsama-sama sa malawakang kilos-protesta laban sa korupsyon. Dito sabay-sabay na inirehistro ng mga grupo ang kanilang pagkundena sa kawalang pananagutan kaugnay ng naisiwalat nang maanomalyang flood control at infrastructure projects.
Ayon sa mga grupo, kasabay ng pananalasa ng mga bagyo noong nakaraang buwan ay lumantad din ang kapabayaan ng administrasyong Marcos-Duterte dahil sa palpak, depektibo, at “ghost” na flood control projects. Dahil dito, lalo pang sumiklab at bumuhos ang galit ng mga Pilipino, partikular na ng mga maralitang sektor na higit na nasalanta at naapektuhan ng baha.
“Wala tayong maaasahan sa parehong Marcos, Duterte at sa lahat ng mapanlokong mekanismo ng gubyerno upang solusyunan ang korupsyon na sila rin mismo ang nasa ulo,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) National Capital Region.
Bago pa man magsimula ang programa sa Luneta, sinabotahe na umano ng pulisya ang naging paghahanda para sa aktibidad sa kabila ng maagap at maagang plano at koordinasyon ng BAYAN kasama ang mga awtoridad mula Manila City Hall at MMDA. Sa kabila nito, bigo pa rin ang kapulisan ng Manila Police District sa pagtatangka nitong pigilan ang pagdaraos ng kilos-protesta sa naturang “no rally, no permit” rule na ayon sa mga grupo ay walang sapat na batayang ligal.
Ayon sa National Union of People’s Lawyers, malinaw sa inaakusang paglabag sa BP 880 na kinakailangang maglabas ng ordinansa ang mga lokal na pamahalaan hinggil sa pagtatalaga ng mga “freedom parks” sa kani-kanilang mga nasasakupan. Kung walang naipapasang ganitong ordinansa, lahat ng pampublikong parke sa kanilang lugar ay ituturing na “freedom parks.”
Sa kabuuan, umabot sa halos 20,000 ang nakiisa sa naturang protesta na kinabilangan ng iba’t ibang organisasyon mula sa iba’t ibang sektor sa Metro Manila gaya ng mga kabataan, kababaihan, LGBTQIA+, mga guro, manggagawa, magsasaka, mangingisda, manggagawang pangkalusugan, propesyunal, taong simbahan, manggagawang pangkultura, senior citizens, environmentalists, transport groups, at iba pa.
Pagdating ng alas-12 ng tanghali, nagmartsa pa ang mga lumahok sa kilos-protesta patungo naman sa Mendiola kung saan tumambad ang mga nakahilerang barikada ng kapulisan sa bahaging Loyola St. sa kahabaan ng Recto Ave.
Sa panawagang pagpapatalsik sa pangulo at pangalawang pangulo, giit ng BAYAN NCR na kailangang isulong ang pagkakaroon ng National Transition bilang isang pansamantalang namumunong katawan na hahalili sa pamumuno hanggang sa maitatag ang isang bagong lehitimong sibilyang awtoridad.
Ang naturang transitional council ang alternatibo sa umiiral na pamunuan sa pulitika at magsisilbing landas tungo sa mas demokratikong pamamahalang sibilyan.
“Makatarungan at nararapat lamang na binubuo ang National Transition Council mula sa mga maralitang sektor ng bansa. Hindi ito nangangahulugan ng destabilisasyon kundi lehitimong panawagan ng mamamayang sawa na sa sistemikong kahirapan bunsod ng korupsyon at katiwalian ng rehimeng Marcos-Duterte,” pahayag ng BAYAN NCR.



























