Lumahok ang iba’t ibang sektor mula sa maralitang komunidad sa Manila sa inilunsad na Talakayang Bayan forum sa San Andres Sports Complex. Binigyang-diin ng mga sektor ang Manila People’s Agenda (MPA).
Nakasaad sa MPA ang iba’t ibang panawagan ng mga Manileño hinggil sa kabuhayan, kalusagan at paninirahan tulad na lamang ng pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa tungong P1,200 family living wage, pagpapatayo ng labor desk sa bawat barnagay, pagdagdag ng mga aksesibleng health centers at in-city relocation sa maralitang lungsod.
Binukas din ng Samahan ng Maralita sa Temporary Housing (SMTH) ang kanilang usapin sa katiyakan sa paninirahan. Anila, nagpapatuloy ang pangungumbinsi ng R-II builders na tanggapin ng higit 2,600 na pamilya ang P60,000 para mag-self demolish ng kanilang tirahan.
Ang R-II builders ay isang construction company na pagmamay-ari ng negosyanteng si Reghis Romero.
Giit naman ng SMTH na bilhin na lamang ng Manila LGU ang temporary housing upang gawing pang-masang pabahay.














