“Bakit nga ba tayo nababahala sa pagbabalik ng mandatory Reserved Officer’s Training Corps (ROTC)? Dahil na iyon sa masalimuot na kasaysayan nito na puno ng karahasan at pananamantala mula sa mga namumuno nito,” ani Rachelle Galvez mula sa National Union Students of the Philippines – National Capital Region.

Noong Hulyo 25, nabanggit ni Marcos Jr. sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) na isa ang mandatory ROTC sa mga prayoridad niya sa ilalim ng kanyang administrasyon, na suportado rin ang kanyang bise-presidente na si Sara Duterte.

Dalawang araw makalipas ay nagpahayag ng suporta Department of Education sa plano ni Marcos Jr. na maibalik ito.

“The DepEd is in support of such measure to make ROTC mandatory, basically because it adheres to one of our core values of being makabansa,” salaysay ng tagapagsalita ng DepEd na si Michael Poa.

Ayon sa gobyerno, ang pagbabalik umano ng ROTC ay upang mas maging “disiplinado” at “makabayan” ang mga kabataan. Pero sa halip na maging ganito ang resulta, saad ng NUSP na mas inilalantad lamang nito sa mga estudyante ang kabulukan, kapalpakan, at korap na sistema sa bansa.

“‘Yong pagpapatahimik sa mga kadete sa loob ng ROTC, makikita natin na nagiging repleksyon ito ng kung anong kasalukuyang lagay ng ating lipunan. Katulad nating mga nagsasabi ng sariling saloobin tungkol sa gobyerno, ano bang ginagawa sa atin? Pinapatahimik, ‘yong iba kinukulong nang walang basehan. Kaya makikita na itong ROTC ay nagiging avenue para mas lalong magpatahimik ng mga kabataang lumalaban.”, saad naman ni Ysabelle Briones mula sa League of Filipino Students – National Capital Region.

Nagbalangkas ng mga dahilan ang hanay ng kabataan kung bakit hindi dapat suportahan ang pagpapatupad ng Mandatory ROTC sa kolehiyo.

  • Ang karumal-dumal na kasaysayan ng mandatory ROTC kung saan laganap ang paglabag sa karapatang pantao.
  • Mark Welson Chua, isang kadete ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST) ay tinortyur at pinatay ng mga opisyal ng ROTC matapos nitong ilantad ang korapsyon sa loob ng ROTC sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 2001. Mga iilan sa naitalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ROTC
  • 1995 – De Lasalle University. Isang mechanical engineer student at kadete ng ROTC na si Seth Lopez ay namatay bunsod ng mga natamo dulot ng pagsasaga ng hazing ng mga ROTC cadet officers sa isang bukid sa Tanay, Rizal.
  • 1999 – Saint Louis University. Estudyante at kadete ng ROTC na si Arthur Salero na namatay rin dahil sahazing.
  • 2006 – University of the Philippines Diliman. Ang mga miyembro ng ROTC at SIN ay namahagi ng mga polyeto na humihikayat sa mga estudyante na huwag lumahok sa walkout laban sa 300% na pagtaas ng matrikula. Sila rin ay nanguna sa panreredtag sa mga lider aktibista na nagsusulong ng anti-tuition increase bilang mga recruiter umano ng New People’s Army (NPA).
  • 2016 – Pamantasan ng Lungsod ng Pasig. Nakaranas ng mga pisikal at sekswal na pang-aabuso ang mga kadete ng ROTC partikular ang mga kababaihang estudyanteng kalahok dito.

Hindi lamang ang kultura ng karahasan at korapsyon ng mandatory ROTC ang dahilan kung bakit nilalabanan at tinututulan ito ng mga kabataang estudyante kundi dahil dagdag pasakit lamang dulot nito kung saan hindi nito primaryang tinutugunan ang matagal nang krisis sa edukasyon lalo nang sumapit ang pandemya sa bansa.

Dagdag pa ng mga kabataang estudyante na dapat mas bigyan ng atensyon ang libre, siyentipiko, at makamasang edukasyon para sa lahat lalo na’t may kinakaharap ang bansa na krisis sa edukasyon.

“Imbes na mandatory ROTC ang ipatupad ng gobyerno, mas kinikilala natin ‘yong ilang House Bills na pinaniniwalaan nating tunay na makaka-instill ng ‘patriotism” at “nationalism” ng mga estudyante gaya na lamang ng pag-aaral ng Philippine history sa high school at kolehiyo, expanded NSTP, basic medical and health training, disaster risk reduction preparedness and response, at labor education,” dagdag ni Galvez.

Sa huli, hinihikayat din ng mga kabataang estudyante ang iba pa nilang kapwa estudyante na labanan at tutulan ang mandatory ROTC.

“Nakikita natin ang mandatory ROTC hindi bilang isang programang makakapagpalakas ng patriotism at nationalism at disiplina ng mga estudyante, ngunit isang programa na makakagulo lang sa kapayapaan ng mga unibersidad dahil ito ay nagsusulong ng korapsyon, karahasan, at panganib sa demokratikong karapatan ng mga estudyante,” pagsasara ni Galvez.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here