Mandatory na pagsasalang ng mga Pilipinong nasa 18 taong gulang sa military service, ito ang isa sa mga naging mungkahi ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumatakbo bilang Bise Presidente sa susunod na halalan. Ito ang pahayag niya nang siya’y tanungin tungkol sa kanyang plataporma para sa mga kabataan sa isinagawang virtual caravan ng BBM-Sara Uniteam Alliance noong Miyerkules, ika-19 ng Enero.

“Gagamitin ko po ang aking opisina sa Office of the Vice President para po kausapin ang ating Congress – both the House of Representatives and the Senate of the Philippines – to make military service for all 18 years old, male and female, mandatory in our country,” ani Duterte.

Si Duterte ang running mate ng anak ng dating diktador na si Bongbong Marcos na tumatakbo sa pagkapangulo ng bansa.

Paliwanag niya, ginagawa rin namang requirement para sa mga kabataang nasa hustong gulang ang pagsasailalim sa military service sa mga bansang tulad ng South Korea at Israel.

“Hindi po ROTC (Reserve Officers’ Training Corps) lang na isang subject o isang weekend o isang buwan sa isang taon. Dapat po lahat ng ating 18 years old, pagtuntong mo ng 18 years old, you will be given a subsidy, you will be asked to serve our country doon sa ating Armed Forces of the Philippines,” ayon pa kay Duterte-Carpio.

Kaugnay nito, nagpahayag ng suporta sa mungkahi ni Duterte-Carpio si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenza, ngunit ipinaliwanag niya ang mga problemang maaaring harapin sa pagsasagawa nito:

“First, are the funds and resources. Training camps would need to be established all over the land, and manpower and funds must be allocated to accommodate the millions who will reach the age of 18 every year. Second, are the anticipated objections of those who are not inclined to serve in the military,” ayon kay Lorenzana.

Dagdag pa niya, hindi naman daw naghahanda ang bansa sa digmaan, kaya hindi rin kakailangan ng malakihang pagpapakilos ng mga Pilipino sa mga aktibidad ng militar.

Binigyang-diin din ni Lorenzana ang pagsasagawa ng mandatory ROTC sa mga eskwelahan na aniya’y mas mainam para sa pagbubuo ng military reserve:

“We feel that the product of the ROTC program is more than sufficient to meet our requirements for warm bodies in case of conflict and in times of calamities and disasters,” paliwanag ng DND Secretary.

Minsan nang naisabatas ang mandatory military service sa bansa sa pamamagitan ng Section 53 ng Commonwealth Act No. 1 o The National Defense Act” noong 1935. Sa panahon naman ni dating Pangulong Marcos ay ginawang requirement para sa mga nagtapos ng military training ang pagtatalaga sa “selective emergency military service” sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 182 noong 1973.

Sa pagpasa ng Republic Act No. 7077 noong 1991, ginawang mandatory rin ang ROTC, isang porma ng military service training sa mga estudyante sa mga kolehiyo at unibersidad.

Ngunit dulot ng matinding panawagan noon kontra sa pagsasagawa ng ROTC dahil sa ulat ng katiwalian at abuso at sa malagim na pagpatay kay Mark Welson Chua, isa sa mga myembro ng ROTC Unit ng University ng Sto. Tomas (UST) at isa sa mga nagsiwalat ng katiwalian sa loob ng ROTC Unit ng UST sa Varsitarian, ang school publication ng naturang unibersidad, hindi na naging requirement ang ROTC sa ilalim ng Republic Act No. 9163 o ang “National Service Training Program (NSTP) Act of 2001.”

Sa kabila nito ay patuloy ang mga naging panawagan na ibalik ang mandatory military service, partikular ang ROTC. Ilang beses na ring nagmungkahi si Pangulong Rodrigo Duterte para naman sa batas na naga-apruba sa mandatory ROTC sa mga estudyante sa Senior High School.

Inalmahan naman ng mga progresibong grupo ang naturang mungkahi para sa mandatory military service para sa mga taong nasa 18-taong gulang.

Pinatamaan ni National President at First Nominee ng Kabataang Partylist na si Raoul Manuel ang pagpapataas ng sweldo ng mga sundalo sa ilalim ng Administrasyong Duterte at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Mandatory military service daw, sabi ng anak. Bakit, hindi pa ba dumarami ang pumapasok sa AFP kahit dinoble na ng ama ang sahod? Hindi pa ba kinakagat ng taumbayan ang propaganda ng NTF-ELCAC na walang abusong nangyayari sa AFP?” tanong ni Manuel.

Bilang tugon naman sa pahayag ni Lorenzana patungkol sa mandatory ROTC, ipinaliwanag ni Manuel ang aniya’y kultura ng karahasan sa loob na aniya’y maaari pang magdulot ng kapahamakan.

“Delikado rin ito. Minsan ang istilong militar na disiplina ay humahantong pa sa abuso at kahit pagkamatay ng kadete. Di natin makakalimutan ang nangyari kay Darwin Dormitorio at kay Jonash Bondoc. Kahit sa ROTC, may mga ulat tayong natatanggap ng pananakit sa mas nakabababa. Malinaw na di ito nagkataon at may kultura ng karahasan at bulag na pagsunod na nanonoot sa ating Armed Forces na tumatagos sa kanilang traning. Huwag nang ipilit sa lahat kung maaaring may mapahamak,” ani Manuel.

“Mas mainam pa na bago magsagawa ng malakihang pagbabago ay rebyuhin muna ang pagpapatupad sa NSTP Law upang magkaroon ng sapat na batayan ang kahit anong reporma,” dagdag niya.

Sa programang Rundown ng ANC, ipinaliwanag naman ni University of the Philippines-Diliman Student Council Chairperson Jonas Abadilla na magiging banta sa aniya’y academic freedom ang pago-obliga sa mga kabataang estudyante na isalang sa mungkahing mandatory ROTC program:

“Mandatory ROTC in the first place has the goal to instill nationalism to students using military-style training. However, I believe this will be an insult to the decades of student struggle and to academic freedom since there are other ways to express nationalism and patriotism that can be done without this abusive program. Yes, I can say that this is abusive because it also has instill fake nationalism and threat to academic freedom of universities,” ayon kay Abadilla.

“I believe that this will be a problematic move of Sara Duterte when she is elected as Vice President of the Philippines since we already have different pressing issues such as education sectors and health crisis amidst [the] COVID-19 Pandemic,” dagdag pa niya.

Muli ring inilathala ng National Union of Students of the Philippines ang kanilang 2017 position paper para sa pagbuwag sa ROTC. Kalakip ng naturang dokumento ang talaan ng 18 na mga ulat ng pang-aabuso sa ilalim ng ROTC.

Tinawag naman ng kapwa-Vice Presidential candidate Walden Bello na “very bad idea” ang mungkahing mandatory military service ni Duterte-Carpio, at binigyang-diin ang aniya’y tunay na kailangan ng mga Pilipino:

“How can Ms. D uterte be running for vice-president when, like her father, she doesn’t realize that what the Philippines needs are not more soldiers, but more educators, artists, engineers, scientists, doctors, nurses, farmers, and workers to develop our country,” ani Bello.

“You owe the country an apology for advancing a foolish proposal that would derail our youth from their pursuit of civilian careers and dreams simply because you want to pander to the generals by offering them another channel to increase their share of the budget,” giit ni Bello.

Para naman kay Senatorial Aspirant Antonio Trillanes, maituturing na isa lamang porma ng ‘power tripping’ ang planong military service para sa mga kabataan:

“Sara Duterte’s mandatory military service proposal is wrong on so many levels. It shows her lack of understanding on national security matters. Like her father, everything is about power tripping.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here