‘Lusob!’ Ito ang sigaw ng iba’t ibang mga progresibong grupo at indibidwal sa National Capital Region (NCR) na nanindigang lalahok sa mga mobilisasyon at pagkilos laban sa katiwalian at korapsyon, partikular sa bilyong pondong inilagak sa mga kwestiyonable at maanomalyang flood-control projects ng administrasyong Marcos Jr.

Lubog sa baha at korapsyon, pasanin ng mamamayan

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – NCR, hindi lang baha ang nagpapalubog sa mamamayang Pilipino kundi maging ang bilyon-bilyong pondong inilulustay sa korapsyon na kinurakot ng mga kontraktor ng pulitiko na aabot sa P1.7 trilyon.

“Habang lubog sa baha ang mga maralita, lubog naman sa bilyong pisong nakurakot ang mga kawatan sa gobyerno!” pahayag ng grupo.

Ganito rin ang pahayag ng iba’t ibang balangay ng BAYAN NCR sa mga siyudad ng rehiyon at nagpahayag ng suporta sa naturang panawagan.

“Habang ligtas sa baha at trapiko ang mga nasa mansyon at luxury cars, tayo namang ordinaryong mamamayan ang lumulusong sa baha ng gutom, mababang pasahod, at kawalan ng tunay na solusyon,” saad naman ng BAYAN Quezon City.

“Sa halagang 1.7 trilyon, kaya sanang magpatayo ng 850,000 classrooms o 2,000 ospital, pumping stations para sa buong NCR maging sa karatig na rehiyon ng ilang ulit at kahit ang subsidy para sa immediate wage relief ng mga manggagawa. Pero hindi. Pinili nilang kurakutin kaysa iligtas ang mamamayan!” pahayag naman ng Defend Jobs Philippines (DJP).

Binigyang-diin ni DJP executive director Benjamin Cordero na hindi dapat manahimik ang taumbayan sa harap ng mga malalaking halagang pinagkakakitaan ng iilan.

“Ang dami nito pero ilan lang ito sa pinaghahatian ng mga kontratista at politikong inihalal natin para sana sa mga proyektong papakinabangan ng taumbayan. Buwis ito nating mga manggagawa at ng mga pangkaraniwang mamamayan. Utang din ito na babayaran natin at ng ating kaapu-apuhan. Hindi pa ba kayo nagagalit?” ani Cordero.

Noong Setyembre 8, lumutang sa House of Representatives ang testimonya ng ex-Bulacan 1st district assistant engineer Brice Hernandez na naglantad ng 30% kickback scheme sa mga flood control projects sa Bulacan.

Ayon sa kanyang pahayag, aabot sa P355 milyon mula kay Sen. Jinggoy Estrada at P600 milyon mula kay Sen. Joel Villanueva ang inilaan para sa mga proyekto, kung saan nakalaan umano ang malaking bahagi para sa SOP o kickback.

Naglabas pa si Hernandez ng mga larawan ng limpak-limpak na pera na nakasalansan sa mesa at nakalagay sa mga kahon, na aniya’y galing mismo sa mga kontratista at ipinapamahagi para sa mga “proponents” ng proyekto. Binanggit din niya ang ilang opisyal tulad ng ex-Bulacan district engineer Henry Alcantara at DPWH Undersecretary Robert Bernardo bilang mga pangunahing kasangkot.

Para kay Cordero, malinaw na ang ganitong klase ng sistema ay hindi lamang isyu ng katiwalian kundi isang lantarang pambabalahura at pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Panawagan sa lansangan

Lumalakas na rin ang panawagan laban sa katiwalian sa mga lansangan.

Binaha ng mga plakard at poster ang kahabaan ng Recto Avenue na may nakasulat na “Labanan ang Korapsyon, Lusob sa Sep 13” at “Marcos #1 Kurap, Singilin, Panagutin” bilang bahagi ng pagkilos ng Alyansa ng Kabataan Laban sa Korapsyon (AKSYON).

 “Sawa na ang mga kabataan sa circus ng gobyernong ito at hindi maloloko ang mga kabataan sa malaking papel ni Marcos Jr. sa mga katiwalaang ito,” ani AKSYON spokesperson Ruben Gabas.

Sa Adamson University, nakapaskil din ang mga mensaheng “Marcos, pahirap, kurap!” sa isang pader ng Cardinal Santos (CS) building bilang porma ng protesta laban sa ulat ng korapsyon sa mga flood-control projects.

Bukod sa lansangan, binabaha rin ng mga panawagan at memes laban sa korapsyon ang social media. Ayon kay Gabas, nagsisilbing mitsa ito para mag-organisa ng mga pagkilos na nagpaigting sa presyur sa administrasyong Marcos Jr.

Samantala, sari-saring pagkilos ang nakatakdang idaos ngayong Setyembre:

         •       Sept 12 – Kalampagan Kontra Korapsyon (Black Friday Protest), 4–6PM

         •       Sept 13 – EDSA Shrine KKK, 9AM

         •       Sept 15 – Kalampagan sa Mansyon ni Discaya, 6PM

         •       Sept 19 – Welgang Rotonda, 5PM

         •       Sept 20 – People Act Now Forum, Liwasang Diokno, 9AM

         •       Sept 21 – Martsa mula Kalaw 8AM patungong Luneta 9AM

Sa kabilang banda, ilan sa mga lokal na opisyal tulad nina Manila City Mayor Francisco Moreno ang nagpahayag ng pagtutol sa mga protesta, bagay na lalong ikinagalit ng mga organisasyon na nagsasabing ang mga pagkilos na ito ay bunga ng matinding pagkadismaya sa katiwalian at kapabayaan ng pamahalaan.

“Matinding paalala ang mga kilos-protesta sa gobyernong Marcos na may pananagutan para seryosong imbestigahan ang mga anomalya sa mga proyekto sa flood control at tiyakin na ang mga sangkot tulad ng mga kontraktor man, pulitiko, o matataas na opisyal ng gobyerno,” ani Gabas.

Dagdag pa niya, hindi lamang ito halimbawa ng “simpleng kasakiman” kundi manipestasyon ng isang bulok na kaayusan na gawing negosyo ang pamumuno at kamkamin lahat ng kapangyarihan. Ang sistemang ito ang pinakabuod ng tinatawag na burukrata kapitalismo.

“Sa kasalukuyang sistema ng gobyerno Pilipinas, hayag ang pagkakaugat ng kurapsyon at burukrata-kapitalismo—mga katangian ng mga mapanamantalang uri na nagsisilbi hindi para sa bayan kundi sa pansariling interes. Habang namumugad ang mga kurap sa gobyerno, milyun-milyong Pilipino ang nalulubog sa gutom, kawalan ng karapatan sa serbisyong panlipunan, at pinagkakaitan ng kinabukasan,” pahayag ng AKSYON.

Sa harap ng lumalalang baha, trapiko, at kawalan ng makatarungang serbisyo, malinaw ang hamon ng mamamayan: Lusong o Lusob? #Lusob laban sa korapsyon!

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here