Tinulungang buuin ng Kagawaran ng Katarungan (Department of Justice) noong mga nakaraang linggo ang Citizen National Guard (CNG) ‘para tulungan ang administrasyon ni Presidente [Rodrigo] Duterte na labanan ang mga puwersa ng destabilisasyon.’ Nilunsad ito sa isang press conference noong Oktubre 3, kasama ang Kalihim ng DOJ na si Vitaliano Aguirre at hepe ng Public Attorney’s Office na si Persida Acosta.
Kabilang sa mga itinuring ng kagawaran na mga banta sa administrasyon ang mga ‘dilawang’ pulitiko, ang mga ‘maka-Kaliwang’ grupo, ang Simbahang Katoliko, ang dominant media, at ang mga foreign intelligence agencies.
Ayon sa grupong ito, “ang anumang pagtuligsa sa administrasyon ay isang uri ng destabilisasyon laban sa isang gobyernong iniluklok ng taumbayan.”
Nakasulat sa website ng CNG na ang grupo ang “third and total force of the Republic of the Philippines.”
Pagpapakilala pa nila, “We, reserve and retired members of the Armed Forces of the Philippines, together with citizens from all sectors of society, businessmen, educators, engineers, students covering all regions of the country: are ready to respond to the call of duty in the event of war or an invasion or any untoward intervention of any hostile force from within or without; and, uphold above all else the national sovereignty and patrimony true to the ideals of our national heroes.” Kanilang mga motto gayundin ay pinagbungkos na mga layunin ang “defend republic”, “protect Filipinos”, at “support PRRD [President Rodrigo Roa Duterte”].
Kasabay rin nito, nagbanta pa nga si Solicitor General Jose Calida na pipilayin umano niya iyong mga ‘nagnanais pabagsakin ang administrasyong Duterte’ gaya aniya ng dating puti ang kulay pero ngayon dilaw na, ang mga pula, ang simbahan at iba pa. Ang solicitor general ang tumatayong pangunahing abugado ng isang bansa o estado at nagsisilbing kinatawan ng gobyerno sa mga kasong hinaharap nito.
Narito ang panayam kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Chief Political Consultant at Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Ma. Sison hinggil sa mga bagong mga lambat ng paniktik, armadong grupo o grupong vigilante kontra-destabilisasyon na binubuo ng administrasyong Duterte para tiyakin ang pagkakaupo sa puwesto.
Kapag sumasadsad ang popularidad, kumapit sa CNG at IACLA!
Binanggit ni Prof. Sison na “ipinangangalandakan ng mga ‘insider’ sa rehimeng Duterte na armado ang Citizen´s National Guard” nang hingan ng manunulat na ito ang kanyang reaksyon hinggil sa pagbubuo ng grupong iyon.
Ito raw ay “magiging pwersa ng pekeng revolutionary government ni Duterte at Bongbong Marcos.”
Sa pagbubuo ng CNG, magkasama raw rito ang ilang Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM), Young Officers Union (YOU), Guardians Brotherhood, at Soldiers of the Filipino People.
Mananatili rin daw na political base at spy network ang Kilusang Pagbabago at MASA MASID, ayon kay Prof. Sison.
Sa mga naunang napabalita, iniuugnay ang Soldiers of the Filipino People sa pamilyang Marcos.
Ayon sa kanya, pabulusok na rin umano ang propaganda standing ni Duterte.
“Walang magagawa ang kanyang mga armadong alipuris at mga peryodista at mga troll niya sa social media para pigilin ang pagbagsak ni Duterte at pagtindi ng galit ng masang Pilipino na ngayo´y biktima ng sumasamang kalagayan sa ekonomya (mataas na presyo ng mga bilihin, mababang kita at kawalan ng empleyo) at insultado na ng pagsisinungalang, pambobola at pananakot ni Duterte. Masdan mo ang paglaki ng mga masang protesta sa payong ng malapad na nagkakaisang hanay.”
“Totoong nanunulsol at nagbibigay si Duterte mismo at mga utusan niyang sina DOJ Secretary at Solicitor General ng immunity at lisensya sa mga militar, pulis, paramilitar at vigilante para pumaslang ng maraming mamamayan na salungat sa rehimen,’ reaksyon ni Sison hinggil sa banta ni Calida na pipilayin daw niya ang mga “may planong patalsikin si Duterte sa estado poder.”
Ayon sa kanya, “bagong pakana nila ang muling pagbuhay ng IALAG sa ngalan ng IACLA.”
Ang Interagency Committee on Legal Action o IACLA ay nilantad ng mga kongresistang bahagi ng Makabayan na binuo sa isang resolusyon noong Oktubre 9 na pirmado ni PNP Director Ronald dela Rosa at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Eduardo Año.
Katulad ng IACLA ang Interagency Legal Group (IALAG) na binuo ng dating pangulong Gloria Arroyo, kung saan tinugis at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso ang mga aktibista, lider ng mga progresibong grupo, makabayang kongresista at iba pang tumututol sa mga kontra-mamamayang polisiya ng gobyerno. Kasama sa mga ginawa ng IALAG ang pagkakaso sa anim na kongresista ng Makabayan na tinawag na ‘Batasan 6’, 72 aktibista sa Timog Katagalugan, at iba pa.
Ipinaliwanag niya na gagamitin ito ng rehimen para “gumawa-gawa ng false charges of common crimes, gumawa ng mga madugong krimen at ibintang ang mga ito sa mga salungat sa rehimeng Duterte” para “maluwag silang makapag-engganyo sa vigilantism, karahasan, at panunupil dahil sa paglawak ng sakop ng target list ng grupo.”
“Maituturing natin ang pagbuo ng CNG bilang bagong lokal na aplikasyon ng solusyong militar sa malalawak na problema sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig. Pero hindi ito magtatagumpay laban sa mga masang protesta sa payong ng malawak na nagkakaisang hanay at digmang bayan na isinasagawa ng mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino,” sabi ni Prof. Sison.
Paglipat ng pangagasiwa ng war on drugs sa PDEA mula sa PNP
Habang ang artikulong ito ay sinusulat, ipinag-utos ng presidente na ibigay sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang dating kapangyarihan ng Philippine National Police (PNP) na pamunuan ang drug war bunsod ng matinding batikos na inabot ng kanyang administrasyon dahil sa serye ng madudugong patayan na nagaganap sa bansang Pilipinas.
“May bagong pakunwaring order si Duterte na PDEA na imbes na PNP ang bahala sa war on drugs. Kasabay nito, sinasabi rin niya [o iminungkahi sa isang talumpati] na aarmasan niya ang sibilyan para sumabak din sa umano’y war on drugs,” banggit ni Prof. Sison.
Naniniwala si Prof. Sison na “magpapatuloy ang mga pro-Duterte na pulis sa maramihang pagpaslang ng tao” dahil “cover at impunity at may kita pa sila sa bawat ulo ng biktima.”
Kaya naman, “magkukunwari lang silang mga vigilante group” para iligaw ang pansin ng taumbayan mula sa mga ugat-dahilan ng mga madudugong patayan na nagaganap sa bansang Pilipinas.
Ipinaliwanag niya ang posibilidad na “isasama pa sa papaslangin nang maramihan ang mga ituturing na komunista at NPA at mga ¨teroristang¨ Moro” kapag naipataw na ang Batas Militar sa buong bansa.
“Balak ni Duterte na palaganapin ang kamatayan para sindakin at pagharian niya ang sambayanng Pilipino.”
“Pero nilantad na ni Duterte ang sarili bilang mastermind ng mass murder campaign. Umabot na sa higit 14,000 ang pinapaslang niya at sinisingil na siya ng mga pamilya ng mga biktima at mga matitinong tao,” reaksyon ni Prof. Sison hinggil sa pag-aalis sa PNP ng kapangyarihang pamunuan ang drug war ng presidente.
Papel ng mga private army, vigilante group, at death squad sa pagsikil sa paglaban ng masang Pilipino
“Natural lang naman sa mga malaking komprador at asendero at mga pulitiko nila na may mga pribadong bodyguard force hanggang may private army sila,” sabi niya.
Ipinunto niya na ginagamit ng mga pulitiko na nasa kapangyarihan na “parang pribadong kasangkapan nila ang mga armadong pwersa ng gobyerno.”
Ipinapaalala rin niya na ginamit ni Heneral Emilio Aguinaldo ang mga sundalong Kawit niya para arestuhin at utasin sina Andres Bonifacio at Antonio Luna sa panahon ng kanyang pamumuno sa umano’y Unang Republika ng Pilipinas.
Binanggit niya na ang AFP ay ‘ginawang pribadong kasangkapan ng dating diktador Ferdinand Marcos, Sr. at ng mga pumalit sa kanya na naupo sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno, magmula kay Cory Aquino hanggang kay Duterte.
Dagdag pa niya, mayroon pa silang mga pribadong armadong grupo na umaastang mga private security agencies.
Ayon kay Prof. Sison, “malaki at mahalaga” para sa dayuhang dominasyon at paghahari ng mga oligarko ang papel ng mga private army, vigilante group at death squad sa panunupil at pagsikil sa pakikibaka ng masang Pilpino.
“Bukod pa riyan, ang mga pribadong armadong ito ay ginagamit sa mga panloob ng tunggalian o pagriribalan ng mga reaksyonaryong pulitiko. Kasangkapan sila sa warlordismo ng mga dinastiya sa pulitika.”
Binanggit niya na magkaparallel at magkakabit ang AFP at PNP sa mga private army ng malalaking pulitiko na nasa kapangyarihan sa iba’t ibang antas.
Paglaban ng mamamayan sa pasismo ng estado
Binabanggit ni Presidente Duterte sa kanyang mga talumpati na nagsasabwatan umano ang mga ‘dilawang’ pulitiko, ang mga ‘maka-Kaliwang’ grupo, ang Simbahang Katoliko, ang masmidya, at ang mga foreign intelligence agencies para patalsikin siya sa estadong poder.
Gayunman, ipinalagay ni Prof. Sison na “mali” ang palagay ni Duterte sa makitid na sabwatang iyon.
Kung tutuusin, kalaban na niya ang sambayanang Pilipino.
“Pagmamatyagan at ilalantad ng kilusang ligal, NDFP, at iba pang mga puwersang anti-pasista ang mga vigilante group at death squad. Hindi kaya ng mga ito na takutin ang malawak na masa, mga organisasyon ng masa at mga simbahan at iba pang institusyon sa loob at labas ng bansa,” sabi niya.
Puwede rin umanong magtanggol ang mga self-defense unit ng mga masang organisasyon, mga armadong partisano sa kalunsuran at commando team ng hukbong bayan.
“Puwedeng umabot ang digmaan sa mga bahay at opisina nina Duterte, Aguirre at Calida. Hindi sila ligtas sa konsekwensiya ng paglulunsad nila ng mga masaker. Hindi ba nagbanta na ang BIFF, Maute at Abu Sayyaf na gaganti sila kay Duterte?” suri ni Prof. Sison.
Ayon kay Prof. Sison, “lalawak at tataas ang antas ng legal na pakikibaka ng masang Pilipino at gayundin sa antas ng sandatahang pakikibaka” sa posibleng pagpapanumbalik ng pasismo.
“Mas sanay at malakas na ang mga mga rebolusyonaryong pwersa sa kasalukuyang panahon kaysa sa panahon ng pasistang diktadura ni Marcos magmula 1972 hanggang 1986,” pagtatapos ni Prof. Sison.