Kaalinsabay ng ikapitong taunang pagsasagawa ng Kamandag Exercises, isang iglap-protesta ang isinagawa ng mga progresibong organisasyon ng mga kabataan bilang pagkundena sa sa harap ng embahada ng Estados Unidos.

Ang “Kaagapay Ng Mga Mandirigma Ng Dagat” o mas kilalang KAMANDAG, ay pagsasanay ng mga militar sa loob ng bansang Pilipinas, sa pangunguna ng U.S Marine Corps kasama ang Philippine Marine Corps. Nagsimula ito noong ika-9 hanggang ika-20 ng Nobyembre.

Ang mga pagsasanay ay isasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa mula Batanes, Luzon, Palawan, Zamboanga, at Tawi-tawi. 

Aabot sa 2,749 militar ang lalahok sa mga pagsasanay, kung saan 1,732 ay mula sa Philippine Marines Corps, Marine Reservist, Naval Combat Engineering Brigade, Naval Special Operations Command, Philippine Airforce, at Philippine Army. Habang 902 naman ay manggagaling sa US Marine Corps, 57 mula sa Republic of Korea Marine Corps, 50 mula sa Japan Ground Self-Defense Forces, at 8 mula sa UK Armed Forces.

Ayon sa League of Filipino Students National Capital Region, ang nagpapatuloy na presensya ng mga militar ng US ay banta sa kapayapaan at seguridad ng Pilipinas.

Bago pa ang Kamandag, nagkaroon na ng mga joint exercises tulad ng Balikatan na isa sa pinakamalaking joint military exercises sa kasaysayan ng US at Pilipinas noong Abril, at ang Kasangga sa pagitan naman ng Australia ang Pilipinas.

Nitong buwan lang din ang napipintong mala-Visiting Forces Agreement sa pagitan ng bansa at Japan na tinatawag na ‘Reciprocal Access Agreement’ (RAA).

Ayon sa LFS-NCR, huwad ang intensyon ng US na protektahan ang bansa mula sa mga sunod-sunod na pang-aatake sa mga mangingisda sa West Philippine Sea at pagkamkam ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas. 

Dagdag nila, isa ang US sa mastermind the agresyon, proxy wars, at giyera na nangyayari sa buong mundo tulad ng nagpapatuloy na pambobomba ng Israeli sa mga Palestino sa Gaza Strip at West Bank.

Higit 11,000 Palestinians ang napasang kung saan 4,500 ang mga bata at humigit-kumulang 1.6 milyong tao ang nawalan ng tirahan dahil sa walang humpay na pambobomba ng Israel sa Gaza nang ideklara ng Punong Ministro ng Israel na si Benjamin Netanyahu ang digmaan laban sa Hamas noong Oktubre 2023.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), layunin lamang ng wargames ng US bilang imperyalistang bansa ang ipakita ang kapangyarihan nito bilang paghahanda sa digmaan at marapat lamang na tutulan ng Pilipinas ang maging staging ground sa interbensyong militar ng US.

“Ang panghihimasok ng US sa Pilipinas na pinahihintulutan ng administrasyong Marcos-Duterte ay nagpapakita ng interes nito sa walang katapusang digmaan. Isang manipestasyon nito ay ang henosidyo sa mga Palestino sa Gaza ng Zionistang Israel na suportado ng Estados Unidos,” saad ng BAYAN.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here