Nagsagawa ng isang solidarity dinner ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para kay Pangulong Rodrigo Duterte at mga mahihirap na residente ng Tondo, Maynila sa Delpan Gym kinagabihan ng Hunyo 30. Inimbitahan sa simpleng salu-salo ang 500 residente mula sa Isla Puting Bato, Vitas, Parola at Happyland, mga komunidad ng maralitang lungsod sa Tondo.

“Alam niyo ba bakit tayo naririto ngayong gabi? Bakit tayo narito? Actually, ito ‘yung unang utos sa akin ni Pangulong Duterte. Sabi niya nais niya na pagkatapos niyang [manumpa] bilang pangulo, makasama niya kayo, tayo, ang mga pinangakuan niya ng pagbabago,” ani DSWD Secretary Judy Taguiwalo.

Sa kanyang pagkausap sa 500 bisita bago dumating si Pangulong Duterte sa solidarity dinner, sinabi ni Sec. Taguiwalo na ang dahilan para lubos na suportahan ang pangulo ay ang malinaw niyang tindig at magiging pagsisikap na mabigyan ng serbisyo, kalusugan, pabahay at edukasyon ang mamamayan.

Kinausap ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo ang mga taga-Tondo bago dumating si Pangulong Duterte. | Litrato ng Manila Today

“Ang pagbabago na hinahangad natin ay simple lang naman, diba? Bahay na matawag natin na sarili, pag-alis sa panganib ng demolisyon, tama? Edukasyon para sa ating mga anak, tama? Kalusugan na abot-kaya, tama? Trabaho na permanente, may sapat na bayad, tama? Ito ho ang pagbabago na gusto nating makita. At ito ho ang pagbabagong hangad ng ating Pangulong Duterte.”

Sa talumpati naman ni Pangulong Duterte, sinabi niyang ang tatlong prayoridad niya ay edukasyon, health care at agrikultura.

“Uunahin ko po ‘yung ating edukasyon. Sisikapin ko na lahat kayo, mga anak ninyo makapag-aral, ‘yung pera ng gobyerno una ho kayo sa
edukasyon,” sambit ng pangulo.

18
Pinili ni Pangulong Duterte na makasama ang mga maralita ng Tondo pagkatapos ng kanyang inagurasyon. | Litrato ni KJ Dumapit/Manila Today

Binanggit din niya ang ipinag-utos niya na paglagak ng kita ng mga casino ng gobyerno sa mga ospital at gamot para sa mamamayan. Sa hindi raw bababa sa 30 bilyong kita ng PAGCOR taun-taon, tiyak na marami, kundi lahat, ang magkakaroon ng bahagi sa itutustos ng gobyerno sa gamot o pampaospital.

“Ang masakit lang ho sa akin, marami namang pera ang gobyerno at bakit naman hindi dumarating sa tao,” wika ng pangulo.

Sinabi rin ng pangulo na mahalaga sa kanya ang agrikultura dahil ito ang nagtitiyak ng pagkain sa bansa. Sinusulong niya ang pagtatanim ng food crops sa halip na cash crops na ibinebenta at iniluluwas sa ibang mga bansa.

“Iyong ating mga malalaking lupa sa Mindanao at naagaw na ng mga korporasyon ng multinational kaya sila na ho ang nakikinabang sa lupa at halos yung magagandang lupa ng Mindanao ay puro ho banana, puro pineapple at kung anu-anong prutas na inilalabas natin sa bansa. Ibig sabihin ang yumayaman niyan ang karamihan yung mga korporasyon na ang mga may-ari ay hindi Pilipino.”

Kaugnay ng pahayag na iyan, sinabi naman ni Sec. Judy na “ang kahirapan sa Pilipinas ay kaugnay ng oportunidad na mahirap makapag-aral, magkaroon ng trabaho, magkaroon ng lupa…Samahan natin si President Duterte para tiyakin na ang makinabang sa pagbabagong ito ay hindi mapupunta doon sa mayayaman.”

Tila naman tugon sa sinabi ni Sec. Taguiwalo, wika ni pangulong Duterte:

“Lahat ng pera sa gobyerno na para sa tao, talagang mapunta sa tao.”

Sa pagwawakas ng kanyang talumpati, sinabi ni Sec. Taguiwalo na ang solidarity dinner ay pagkakataon para ipaalaala ng mamamayan kay Pangulong Duterte ang pagbabago na gusto nila.

Kabilang sa mga dumalo ay mga residente ng Isla Puting Bato, Happyland, Parola at Vitas. | Litrato ng Manila Today