Kaya ako lang,

Kung makausap ko si Dracula,

Ipakagat kita,

Natutulog.

Kunin lahat ng dugo mo,

Marami kang dugo,

Laki ng katawan mo.

Bilog na bilog,

Puro dugo ‘yan!

Ako,

Galit ako sa iyo Gordon!

Pang. Rodrigo Duterte

September 15, 2021

Patuloy ang patutsadahan sa pagitan ng Pangulo at Senator Richard Gordon hinggil sa ungkatan ng kani-kanilang baho. Patuloy pa rin naman ang pagdugo ng bayan sa mga problemang kinakaharap pa rin nito.

Matindi ang naknak ng dugo sa ating bayan. Patuloy na tumataas at nananatiling mataas ang arawang bilang ng kaso ng COVID-19. Lumalala ang kawalang trabaho. Patuloy ang maagang kampanya para sa eleksyon. Nagpapatuloy ang mga pagsisiwalat sa mga anomalya sa paggamit sa pondo sa pagtugon sa pandemya ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at iba pang sakit ng bayan na karamihan ay bunga ng mahinang pamumuno.

Sa mga problemang kinakaharap ng bayan, maraming panawagan para sa pagre-resign ng mga kawani at maging sa Pangulo dahil sa mga anomalyang ito. Sa halip na kastiguhin ang mga may sala, ipinagtatanggol pa ito ng Pangulo, ipinatitigil at gumagawa ng mga restriksyon sa isinasagawang imbestigasyon sa halip na harapin ang problema ng bayan. Dagdag pa, pagdedesisyon na tumakbo bilang pangalawang pangulo ang inuna ng Pangulo.

Duguan ngunit patuloy na pinadurugo. Sa muling pagtatalaga ng Pangulo sa mga  berdugong opisyales, napipinto na naman ang pagdanak ng dugo. Sinabayan ng pamahalaang ito ang sugat ng bayan sa pamamagitan ng mga lider na nagpapatupad ng mga polisiyang anti-mamamayan at kumikitil sa karapatang pantao. Patuloy na pinadurugo ng gobyernong ito ang sugat ng bayan sa pamamagitan ng pagkampi at patuloy na suporta sa Tsina na pangunahing nagsamantala sa teritoryo. Marami ring maanomalyang transakyon sa pagitan ng mga Tsinong kumpanya at indibidwal na negosyante na lalong nagpalubog sa utang at kalusugan.

Dinuguan ang ulam ng pamahalaan.  Sa tumitinding kalam ng sikmura ng sambayanan dahil sa patuloy na walang konkreto o mahinang polisiya habang naka-lockdown, tila paunti-unti na ring nauubusan ang bayan ng dugo. Maraming mga manggagawang pangkalusugan ang nagbubuwis ng buhay. Maraming mga kritiko, aktibista at progresibo na pinapatay sa gitna ng lockdown at pandemya. Pinagpapatuloy pa rin ng gobyerno ang madugo nitong gera kontra droga. Tila hindi prayoridad ang pagligtas sa buhay—mas inuuna pa ang kamatayan at pagdanak ng dugo!

Patuloy na sinisipsip ang kabuuang pagkatao ng bayan, at pinapahina ng pamahalaang ito ang pagod na katawan ng masa. Inipon ng gobyernong ito ang lakas ng bawat isa, sinimot, nilingkis, at hinigop nila ang natitirang kakayanan upang maihandog sa kani-kanilang interes. Nag-pipiyesta ang palasyo sa mga handa. Busog at sagana ang bulsa. Pinagsaluhan nila ang dinuguang bayan na patuloy na nagpapalakas sa kanila.

Mahalagang mairehistro ang mga buhay na nawala. Dugo ang puhunan ng pamahalaang ito, dugong maalab at makabayan naman ang puhunan ng sambayanan! Lumaban at magprotesta! Pakuluin ang ating mga dugo!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here