Kinundena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) Metro Manila ang pagsasagawa ng demolisyon ng mga kabahayan ng maralita sa New Era Compound, Barangay 137, Zone 15, Protacio, Pasay City.

Giit ng mga residente na hindi dumaan sa tamang proseso ang demolisyon na isinagawa nitong Marso 12-13. Wala silang natanggap na notice of demolition. Tinatayang 300 pamilya ang apektado ng demolisyon.

Demolisyon sa New Era Compound, Barangay 137, Zone 15, Protacio, Pasay City. Kuha ni Danna Laracochea.

Anim na araw na nasa kalsada ang mga naapektuhan ng demolisyon.

“Kasalukuyang namamalagi ang karamihan ng mga pamilyang nawalan ng bahay sa kalsada na lubhang napakadelikdao sa kumakalat na COVID-19 at ibang mga sakit dulot ng pabago-bagong panahon,” lahad ng Kadamay Metro Manil sa pahayag nito.

Sinimulan ang demolisyon noong Marso 12, araw na inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa buong National Capital Region (NCR) sa ‘community quarantine’ kung saan inabisuhang manatili sa loob ng bahay ang mga residente ng NCR.

Ngunit sa kaso ng mga residenteng naapektuhan ng demolisyon, wala na silang bahay na masisilungan.

Wala rin daw relokasyon at ayuda na inalok sa mga apektado ng sapilitang ebiksyon.

Hanggang ngayon ay nananawagan ang mga residente ng tulong mula sa lokal at pambansang pamahalaan, laluna para sa kapakanan ng mga bata.

Ayon din sa ilang mga residente, ilang araw na hindi sila hinaharap ng barangay at maging ng lokal na pamahalaan ng Pasay.

Tanghali ng Marso 17 lang nakatanggap ang mga nademolis na residente ng mga dokumento mula sa sheriff ng Pasay City na nagpatupad ng demolisyon dahil nanalo sa kaso ang claimant ng lupa na si Alfonso Ang. Sinabi ng sheriff na magtutuloy ang demolisyon kahit hindi inabisuhan ang mga residente dahil walang temporary restraining order na nilabas.

 

Sinabi rin ng sheriff na magsampa na lamang ng kaso ang mga apektadong residente kung tingin nilang may mali o anomalya sa isinagawang demolisyon.

 

Demolisyon sa New Era Compound, Barangay 137, Zone 15, Protacio, Pasay City. Kuha ni Danna Laracochea.
Demolisyon sa New Era Compound, Barangay 137, Zone 15, Protacio, Pasay City. Kuha ni Danna Laracochea.
Demolisyon sa New Era Compound, Barangay 137, Zone 15, Protacio, Pasay City. Kuha ni Danna Laracochea.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here