Naglunsad ng ‘national caravan’ ang iba’t ibang sektor ng maralita at manggagawa sa pangunguna ng Anakpawis Party-list, Kilusang Mayo Uno, PISTON at KADAMAY laban sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Para kaming sinusumpa sa gutom, sa kahirapan, sa sakit at sa kamatayan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo,” diin ni Doy Mariazeta, third nominee ng Anakpawis Party-list.

Nagsimula sa Philcoa, Quezon City at Road 10, Tondo, Manila City hanggang magsalubong ang mga nagprotesta papuntang Mendiola, Manila.

“Tinungo namin ang tarangkahan ng Malakanyang upang iparinig sa nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan na si Duterte ang aming panawagan na gamitin ang trilyon-trilyong pondo ng pamahalaan para sa pagtugon sa mga kahingian ng mamamayan sa gitna ng pandemya,” ani Mimi Doringo, tagapangulo ng KADAMAY.

Kagyat nilang panawagan na kontrolin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ibasura ang Oil Deregulation Law at isabansa ang mga industriya ng langis.

Walong sunod-sunod na linggo nang tumataas ang mga presyo ng produktong petrolyo mula noong Agosto 31 ngayong taon. Umabot na sa P19.65 ang dagdag presyo sa gasolina, P18.00 sa diesel at P15.49 ang kabuuang dagdag na presyo sa kerosene.

Ano ang Oil Deregulation Law?

Ang Republic Act 8479 o “Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998” ay batas na nagliliberalisa o nagluluwag ng mga restriksyon sa mga produkto ng langis upang hayaan ang pribadong mga kompanya sa malayang kompetisyon.

Buhat nito, malaya nang nakakapagtakda ng presyo ang mga kumpanya ng langis.

At dahil iilan lang ang mga dambuhalang nagnenegosyo rito, nagagawa nilang idikta ang presyo ng langis sa napakataas na halaga, madalas ay mataas pa kasya sa presyo sa pandaigdigang pamilihan, at nakakapagkamal ng limpak-limpak na tubo. Idinadahilan naman ng mga kumpanya hinggil doon na ibinibenta nila ang langis sa presyo sa panahong nabili nila ito at hindi sa kasalukuyan nitong presyo sa pandaigdigang pamilihan, sa mga panahong mas mababa ito.

Noong Pebrero 1998, ang presyo ng diesel ay nasa P8.33 kada litro lamang, samantalang P12.62 kada litro ang unleaded gas, at P140 kada 11kg naman ang tangke ng LPG. Habang sa kasalukuyan ang presyo ng diesel, unleaded gas at LPG ay naglalaro sa P53.96, P63.25 at P717.64 naman ang 11kg ng LPG.

Dalawampu’t tatlong taon nang pataas nang pataas lang ang presyo ng petrolyo sa ilalim ng Oil Deregulation Law.

“Hindi ito ang huling nating pagkilos, hangga’t hindi pinapawalang bisa ang Oil Deregulation Law, hangga’t ayaw kontrolin ng pamahalaan ang presyo ng produktong petrolyo, hindi tayo titigil,” ani Mody Floranda, Secretary General ng PISTON.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here