Hindi ko kinaya ang mga naging pahayag ni Spokesperson Harry Roque patungkol sa ating mga kababayang health workers.

Bilang guro ng komunikasyon at wika, nakakagimbal ang paraan ng kanyang pagpapahayag. Wala siyang pagkakaiba sa mga walang pinag-aralan. Malayo ang paraan ng kanyang pagpapahayag sa kanyang posisyon bilang tagapagsalita.

Spokesperson na, Basurero pa!

Tila isang basurero ang kanyang naging kilos na pilit niyang nililinis ang kasiraan at baho ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit hindi tulad ng mga basurerong may malaking pakinabang sa bayan, ibang antas ang kanyang pagiging basurero.

Nawala sa sarili si Sec. Roque habang pinagsisigawan at inalipusta ang mga healthcare workers dahil sa kakulangan daw nila nang pang-unawa at madalas na pagsisi sa paamahalaan. Galit na galit ang Spokesperson dahil tila walang silbi o hindi nararamdaman diumano ang mga nagawang tulong ng gobyerno sa mga manggagawang medikal. Kung susuriin natin, totoo namang naging limitado hanggang sa walang ayudang ipinagkakaloob ng pamahalaang ito para sa kanila. Puro pangakong napapako. Puro sabi-sabi, walang aksyon, hanggang sa napuno na ang salop at nagresulta sa malawakang protesta mula sa hanay ng mga manggagawang pangkalusugan.

Basura ang ugaling manigaw sa kanyang kapwa maging propesyonal o ordinaryo man ito. Maituturing na hindi katanggap-tanggap ang ganitong kilos lalo’t ang lahat ay humaharap sa pandemyang sinusubok hindi lamang ang tatag ng pisikal na katawan kundi maging ang kalagayang pangkaisipan at pandamdamin. Walang puwang ang ugaling basura sa mga lingkod-bayan. Ang asal-basura ay itinatapon at ibinabaon.

Basura mo, Itapon mo!

Hindi na alam kung paano sasagutin ng mga ahensya ang ibinabatong isyu ng katiwalian at korupsyon kaya naman itinapon nila ito sa Pangulo. Kung titingnan at babalikan ang mga pahayag ng Pangulo, tila naging tapunan, tagasalo at tagasalag siya ng mga batikos na hindi kayang sagutin ng mga miyembro ng kanyang gabinete. Nagmistulang kolektor ng basura ang Pangulo.

At siyempre, siya ang naging tagapagligtas at tagalinis. Tinapatan ng pagbabanta ng Pangulo ang diumano’y walang kwentang senate hiring sa mga ahensyang may anumalya. Para sa Pangulo, pagsasayang lamang ito ng oras sa halip na nakatutok ang mga lider ng ahensya sa pagresponde sa pandemya. Hindi rin nawala ang pagbabanta ng Pangulo na hindi niya pasisiputin o padadaluhin sa anumang hiring ang kanyang gabinete na mairing kinondena ng mga senador.

Hindi na kinakaya ng mga alipores ng Pangulo ang mga basurang itinatapon sa kanila. Kaya naman ang basura nila, itinatapon na sa Pangulo. May kasabihan nga tayo, kung anong bunga siyang puno.

Tapat ko, Linis ko!

Kanya-kanyang linis ang mga ahensya ng pamahalaan sa unti-unting pagsisiwalat sa kani-kanilang anumalyang kinasasangkutan. Hindi magkandaugaga ang Kagawaran ng Kalusugan sa mga nabibistong transaksyon sa mga mamahaling protective gear tulad ng facemask, ppe at iba  pa. Hirap din ipaliwanag ng PhilHealth ang mga nakawan sa pondo, pagbili ng mga mamahaling gamit at hindi pagbabayad sa mga ospital. Sa lahat ng ito, wala pa ring napananagot at ang ilan sa kanila ay nawala ng parang bula.

Kahit anumang linis ng mga ahensyang ito, hindi maitatangging nagmarka ang kanilang dumi sa kamalayan ng mga Pilipino dahil sa kabila ng nararanasang hirap sa pandemya nakuha pa nilang magnakaw. Nilinis nila ang pondo patungo sa kani-kanilang bulsa para lamang matugunan kanilang sariling interes sa kabila ng mga namamatay na mamamayan mula sa hanay ng medical workers hanggang sa ordinaryong mamamayan na walang maipangpagamot sa nakamamatay na virus.

Patuloy ang pamamayani ng basura ng bayan hangga’t ang mga nagkakalat nito ay nasa poder ng pamamahala. Simulan nating maglinis, paghandaan ang susunod na halalan dahil nasa kamay natin ang ikalilinis ng bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here