Malalim ang kahulugan ng mga salitang binitawan ng mga artistang nakibahagi sa pagbigkas ng “The Great Dictator” na talumpati ni Charlie Chaplin at pag-awit ng “Do You Hear The People Sing?” na parehong isinalin sa Filipino lalo sa panahon ngayon.

Ipinakita ng mga artista na hindi lamang sila artistang pampelikula at telebisyon, maituturing silang artista ng bayan. Ang pag-arte bilang sining ay malinaw na nagpapakita sa gampanin ng sining sa pagproprotesta. Tunay na may tapang ang bawat kilos at boses sa pag-arte.

Maging si Duterte ay napansin ang awit ng “nanawagan ng rebolusyon.” Tunay ngang hindi lang palamuti ang sining. May kakayanan itong maging mapangahas. At sa panahon ng kawalang hustisya at pagpapatahimik sa mga kritiko ng administrasyong Duterte, may puwang ang sining, hindi lang upang ipakita ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan, ngunit manghimok sa damdamin ng sambayanan at magpakilos para lumaban—malinaw na isa itong armas ng mga mamamayan sa pakikibaka.

Nakakabilib ang mga artistang naglilingkod at iniaalok ang kanilang talento para sa mas ikabubuti ng nakararami. Malaki ang gampanin ng mga artista sa panahon ng ligalig, ang pagkakaroon ng tapang  sa pamamagitan ng ganilang talento na isalarawan ang kapangitan na nangyayari sa ating bayan ay isang malaking kontribusyon.

Laganap ang gahum na nagmumula sa itaas—ipinatatanggap nito ang mga pulitikal, moral, at kultural na pagpapahalaga sa paraang nagmumukhang natural o karaniwan na lamang ang mga ito. Nakakatakot ang mga artistang nilamon nito, sila ang mga nagpalinlang sa panandaliang mga imaheng handog ng mga nasa poder ng kapangyarihan. Salamat na lamang sa mga artistang nagbigay-oras upang magpamulat at magmulat, magpagising at manggising, na nagsisilbing kontra-gahum ang sining ng protesta tulad ng tula at awit sa mga mekanismong gamit ng administrasyon at mga dominanteng grupo sa lipunan.

Naalala ko noong undergraduate ako sa UP at bahagi ng isang panteatrong organisasyong isinilang noong panahon ng diktadurya, ang UP Repertory Company (UP Rep), malinaw sa akin ang papel ng aming tula-dula—ang ilarawan at magpamulat sa tunay na mga pangyayari sa lipunan. Layon ng tagapagtaguyod ng UP Rep na si Behn Cervantes, na pumanaw noong Agosto 15 pitong taon na ang nakakaraan, na lampasan at labanan ang pagsesensura sa panahon ng Batas Militar ni Marcos. Ang anibersaryo ng UP Rep ay nakatakda mismo sa deklarasyon ng Batas Militar – Setyembre 21, 1972 – simbolo’t patunay na sa pagpatay ng demokrasya ay mayroon din namang sisilang na paglaban para sa kalayaan.

Hindi isang bulwagan ang naging entablado namin, kundi ang malawak at abalang kalsada. Gamit ang aming boses para sa tula at kilos para sa dula, naihahatid namin sa mga manonood ang iba’t ibang emosyon, dinadala namin sila sa iba’t ibang lugar at higit sa lahat inilalahok namin ang manonood para sa pagkilos at pagbabago.

Malinaw na malaki ang papel na ginagampanan ng sining bilang midyum ng komunikasyon. Ginagamit ang sining bilang instrumento ng pagbalikwas o pagkontra sa gahum. May naratibo sa bawat likhang sining, kaya nitong mangusap sa atin, kaya nitong tumagos sa ating mga kamalayan.

Sa kasalukuyang nararanasan ng bansa, kailangang lumingon tayo sa ating produksyong kultural at gamitin ito bilang sandata sa pakikipagtunggali sa namamayaning sistema. Ang pagkakaroon ng makabuluhang mga pagtatanghal para maging mga alternatibong lalaban sa gahum na nagmumula sa may kapangyarihan.

Matagal nang nagnanasa ang mamamayan ng makabuluhang pagbabago, ngunit kinaharap nila ang pandemya. Sa kabilang banda, ang pandemya ang maghuhubad sa tabing ng mga ‘di makamasang gobyerno at kaayusan sa lipunan para tunguhin na ang tunay na panlipunang pagbabago sa wakas—at malaki ang papel ng sining para sabay na buksan ang ating isip at iukit ang hangaring ito sa ating dibdib.

Mayroong lakas sa sama-samang paglikha ng sining para sa pagkamit ng tunay na pagbabago. Malaking ambag para sa pagbabagong panlipunan, ang ating paglikha at paggamit ng sining bilang kasangkapan sa pagmumulat sa mamamayan.

Sa huli, may kapangyarihan ang sining na baguhin ang pagtingin at pagtangkilik natin sa sistemang umiiral. Mahalagang ipagpatuloy ang ating galit.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here