Gumulat  sa buong mundo ang  pahayag ni Pope Francis na suportado niya ang pagsasabatas ng civil union para sa LGBTQ community.  

Lumabas ang pahayag sa dokumentaryo na may pamagat na “Francesco” na likha ng Rusong director na si Evgeny Afineevsky na ipinalabas sa Rome Film Festival noong Oktubre 21. Sinabi rin ng Santo Papa na ang mga homosexual ay mga anak din ng Diyos at maninindigan siya para rito.

Dagdag pa ng pinakamataas na lider ng Katolikong simbahan, hindi dapat ipagtabuyan ang sinuman dahil lang sa kasarian, bagkus kailangang iparamdam sa bawat isa na sila ay bahagi ng isang pamilya.

Sinabi ng Santo Papa sa pelikula na dapat bigyan ang same-sex couples ng civil union o kasal sa batas at nabalitang sinuportahan ang pagpasa ng ganitong batas sa kanyang bansa sa Argentina, bagaman sinasabi ring hindi naman bukas ang kasal sa simbahang Katoliko sa same-sex marriage.

Umani ng iba’t-ibang reaksyon ang naging  pahayag na ito ng Santo Papa. Ayon kay Bishop Thomas Tobin ng Providence Rode Island, ang pahayag daw na ito ni Pope Francis ay taliwas sa matagal nang  turo ng Katolikong simbahan. Hindi raw susuportahan ng Simbahan ang ganoong uri ng pagsasama na tinawag niyang ‘imoral’.

Ang konserbatibong paningin na ito ng Obispo ay taliwas naman sa naging pahayag ng direktor ng New Ways Ministry na si Francis DeBernardo. Aniya, hindi lamang naprotektahan ng Santo Papa ang mga buhay ng mga LGBT couple at ng kani-kanilang pamilya, sa ganitong pamamaraan daw, maraming buhay ang maisasalba.

Para naman sa mga mambabatas tulad dito sa Pilipinas, ang pahayag daw na ito ng Santo Papa ay hindi magiging sapat upang gawing legal ang same-sex union sa bansa.

Ayon sa Pangulo ng Senado na si Tito Sotto, ito raw ay dahil maraming relihiyon at sektor ang tutol dito. Dagdag pa niya, matagal nang mayroong same-sex union sa bansa ngunit hindi nga lang daw sakop ng batas. Para sa Senador,  makabubuti  raw na hayaan na lamang ang ganoong estado upang ‘hindi mapag-initan’ pa.  

Ayon naman sa tagapagsalita ng Malacañang na si Harry Roque, gayong ang Santo Papa na ang nagpahayag ng suporta para sa civil union ng  mga miyembro ng LGBTQ, wala na raw umanong basehan ang mga Katolikong mambabatas na tanggihan pa ang pagsasabatas ng civil union law para sa mga same-sex couple. Depende nga lamang daw ito sa prayoridad ng Kongreso sa bansa.  

Ganoon pa man, umaasa si Representative Pantaleon Alvarez ng Davao Del Norte na maraming mambabatas na ang  magiging bukas at susuporta sa kanyang panukalang House Bill 2264 dahil sa naging pananaw ng Santo Papa ukol sa karapatan ng mga LGBTQ couple para mapasakop sa isang civil union law.

Naglalayon ang HB 2264 na mabigyan hindi lamang ang mga same-sex kundi pati na rin ang mga opposite sex couple ng mga karapatan, tulad ng tinatamasa ng sinumang nagpapakasal.  Sa iallim ng panukalang ito, magkakaroon ng legalidad ang mga usapin tulad ng paghahati-hati ng ari-arian, kustodiya ng mga bata, at ilan pang mga bagay na naglalayong maproteksyunan ang mga magkarelasyon o magkatuwang sa buhay.

Makasaysayan ang naging komento ng Santo Papa lalong higit para sa mga nasa LGBT community. Ang karapatan ng isa ay dapat lamang na tinatamasa ng lahat. Ang pag-iisang dibdib o pagpapakasal ay hindi usapin ng moralidad bagkus, usapin ito ng legalidad at seguridad na kailangan ng bawat isa sa atin.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here